PAGKAALIS ni dating Pangulong Benigno Aquino III na labis na nagpahirap kay ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) at nagpakulong pa sa kanya sa loob ng mahigit apat na taon, sunud-sunod ang ginhawang natamo ni Arroyo, ngayon ay Pampanga Congresswoman at Deputy Speaker pa ng Kamara, sapul nang maupo sa Malacañang si President Rodrigo Roa Duterte.

Kung noon ay dumanas siya ng hirap at pasakit kay Abnoy, este PNoy (Benigno Simeon Cojuangco Aquino III), nakalasap naman siya ngayon ng ibayong kasiyahan kay PDu30 dahil tatlong beses na siyang napawalang-sala ng Sandiganbayan at Ombudsman. Ang pinakahuling tagumpay ni Aleng Maliit (GMA) ay tungkol sa anomalya sa P900 milyong Malampaya Fund, ang ika-3 pag-absuwelto sa kanya mula noong Hulyo. Sabi nga ni Pres. Erap: “Weder-weder lang ‘yan”.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, walang sapat na ebidensiya upang isangkot si GMA sa Malampaya anomaly.

Gayunman, inaprubahan niya ang paghahain ng kasong kriminal laban kina ex-Budget Sec. Rolando Andaya Jr., ngayon ay Camarines Sur Representative, ex-Agrarian Reform Sec. Nasser Pangandaman, ngayon ay alkalde ng Masiu, Lanao del Sur, at 23 iba pa, kabilang si umano’y Pork Barrel Queen Janet Lim-Napoles at Ruby Tuason, dating Social Secretary ni ex-Pres. Joseph Estrada. Ang P900 milyon ay nakalaan para gamitin ng agrarian beneficiaries na apektado ng Tropical Storms “Ondoy” at “Pepeng” noong 2009.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hinatulan ng Kuwaiti court ang isang Pinay na mabilanggo ng 10 taon dahil sa pagsanib sa ISIS o ng Islamic State group sa pagplanong salakayin ang bansa. Ipinatatapon din siya matapos ang sentensiya. Nadakip siya noong Agosto, dalawang buwan matapos dumating sa Kuwait para magtrabaho bilang isang domestic helper. Inaalam pa ng DFA ang hinggil sa kanyang conviction. Inamin ng babae sa Kuwaiti interrogators na siya ay miyembro ng ISIS, na ang kanyang ginoo ay isang aktibong ISIS fighter sa Libya, at pinapunta siya sa Kuwait para maging DH.

Dahil sa pagdiriwang ng Bagong Taon (2017) na tiyak na hindi magiging masaya kapag walang mga paputok, sinabi ni Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado na mag-iisyu ang lalawigan ng product standard para sa mga firecracker na katulad ng ipinatutupad ng Dept. of Trade and Industry. Sa pamamagitan nito, ang mga local manufacturer ng mga paputok ay makagagawa ng mga firecracker na ligtas at may kalidad.

Kahapon ay may ganitong istorya ang isang English broadsheet: “Duterte: I tossed out kidnapper from helicopter”.

Babala ito ni Mano Digong na sasapitin din ng mga corrupt official ang ganitong kapalaran, isasakay din umano niya sa helicopter at itutulak para bumagsak sa dagat. Ginawa raw niya ito noong siya pa ang alkalde ng Davao City. Tanong ng mga Pinoy: “Is this another joke or hyperbole?”. May 200 solon ang sangkot sa PDAF at DAP, marami kang itutulak sa dagat, Ginoong Duterte.

Hoy, DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II, Sec. Salvador Panelo, Communications Sec. Andanar, Spokesman Abella, pahuhulain uli ba ninyo ang taumbayan sa ganitong pahayag ng presidente? Dagdag pa sa balita:”Kung kayo ay corrupt officials, isasakay ko kayo sa helicopter at itatapon sa dagat patungong Maynila.” Well, kaya pala takot na takot ang mga senador, kongresista at iba pang mga opisyal, kung kaya hindi sila makakontra kay PDu30.

Matatapos na sa Disyembre 31 ang anim na buwang deadline ni RRD na magbibitiw kapag hindi nasugpo ang illegal drugs sa bansa. Pangako niya ito noong kampanya na hinangaan at “kinagat” ng mga botante. Ano na nga ba ang nangyari sa pangakong ito? Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ano pa, eh ‘di pangakong napako.” Humingi pa siya ng anim na buwang palugit para matupad ang pangako. Pati si Gen. Bato ay tameme rin dahil 70 porsiyento pa lang daw ang nasusugpo nila sa illegal drugs. Hanggat may drug suppliers at bigtime drug lords, hindi ninyo masusugpo ang illegal drugs.

Sinabi ni Pres. Rody na kung siya ang masusunod, sana ay pinatay na ang tatlong Chinese at kasamahang mga Pilipino na nadakip noong nakaraang linggo sa drug raid sa San Juan City. May 890 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6 bilyon ang nakumpiska ng mga raider. Eh, bakit mo hindi pinabaril sa mga pulis ni Gen. Bato ang tatlong Intsik at mga kasama gayong pinababaril mong parang manok ang mga ordinaryong pusher at user? Maging sa drug war mo ba Mr. President ay may diskriminasyon din? (Bert de Guzman)