Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman (OMB) ng plunder at graft ang 25 dating opisyal ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Agrarian Reform (DAR) at non-government organizations (NGOs) na kontrolado ni Janet Lim Napoles sa umano’y illegal diversion ng P900 milyon mula sa Malampaya Fund.

Gayuman, dinismis ng Ombudsman ang kaparehong reklamo laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, at dating Executive Secretary Eduardo Ermita sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Sa 134 na pahinang joint resolution, ipinaliwanag ng Ombudsman na, “complainants failed to prove that Arroyo and Ermita conspired with their co-respondents in the illegal diversion of the Malampaya fund, or that they deviated from the regular procedure.”

Ang pondo ay espesyal na nilikha upang maging gastusin ng gobyerno sa energy resource exploration and development batay sa Presidential Decree No. 910.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang pera ay bahagi ng parte ng gobyerno sa royalties, rentals, production share sa service contracts sa nakukuha sa petroleum operations sa Camago-Malampaya reservoir sa hilagang Palawan.

Nahaharap sa dalawang bilang ng plunder, 97 graft at 97 malversation sina dating DBM Secretary Rolando Andaya at Undersecretary Mario Relampagos, at dating DAR Secretary Nasser Pangandaman, Undersecretary Narciso Nieto at Director Teresita Panlilio.

Kabilang din sa charge sheet sina dating Candaba Mayor Rene Maglanque, dating Malacañang official Ruby Tuazon at mga opisyal ng NGO ni Napoles na sina Jo Christine Napoles, James Christopher Napoles, Reynald Lim, Evelyn de Leon, Ronald Francisco Lim, Ronaldo John Lim, Eulogio Rodrigues, Simplicio Gumafelix, John Raymund de Asis, Rodrigo Galay, Alejnadro Garro, Paquito Dinson Jr., Gerald Apuang, Napoleon Sibayan, Winnie Villanueva, Angelina Cacananta at Ronald Venancio.

Ang mga idedemanda ay napag-alaman na nagkaisa sa umano’y paglilihis sa inilabas na pondo mula sa inilaan ng DBM sa DAR noong 2009, na sinasabing nilustay sa paglalagak sa mga NGO na kontrolado ni Napoles kaya nagkaroon umano ng malakihang kickbacks at mga komisyon ang mga nasasangkot. (Jun Ramirez)