Nangako ang transport network companies (TNCs) na Grab at Uber na kanilang aayusin ang paniningil sa mga pasahero matapos silang balaan ng gobyerno na kakanselahin ang kanilang accreditation dahil sa “unreasonable” na taas-singil nitong Pasko.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ng Uber na ipatutupad nila hanggang sa Enero 15, 2017 ang paglilimita sa dagdag-singil “to make rides more affordable during the busy holiday season.”

Ayon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB), may natatanggap silang reklamo na ang singil ay pumapatak sa P2,000-P28,000.

Sa kanilang parte, sinabi ng Grab nitong Sabado na agad nilang susundin ang direktiba ng LTFRB at aayusin ang singil sa kanilang mga pasahero na magiging epektibo mula Enero 30, 2017.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, naghain kahapon ng panukala ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development upang ma-regulate ang pasahe sa Uber at Grab.

Inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang House Bill No. 4669 o No Price Surge Act, matapos niyang kondenahin ang umano’y hindi patas na paniningil ng TNC sa mga pasahero.

“While we thought that these TNC providers serve as a better mode of public transportation for our people, they appear to be just the same with or worse than erring taxi cabs that charge passengers more than what the meter says,” sambit ni Castelo. (Vanne Elaine P. Terrazola at Ben R. Rosario)