Magic Knicks Basketball

Golden State, balik sa winning streak; Knicks at Heat mainit.

NEW YORK (AP) – Gumana ang opensa nina Kevin Durant at Klay Thompson sa third period para maibasura ang tangkang paninilat ng Brooklyn Nets sa 117-101 panalo ng Golden State Warriors nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nalimitahan ang Warriors sa 16 puntos sa second quarter para makuha ng Nets ang 65-49 bentahe sa halftime. Hataw si Brook Lopez sa naiskor na 23 puntos sa first-half laban sa depensa ng Warriors. Naglaro na wala si Draymond Green, nagpaiwan para bantayan ang pagsilang ng anak na lalaki.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa gipit na katayuan, may sapat na lakas mula kina Durant at Thompson, nagtumpok sa impresibong 24-5 run ng Golden State para maagaw ang bentahe sa 73-70 may 5:16 ang nalalabi sa third period.

Mula roon, hindi na bumitiw ang Warriors at tinapos ang laro sa matikas na 21-10 run.

Nanguna si Durant sa Warriors (26-4) sa naiskor na 26 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Golden State, habang kumana si Thompson ng 23 puntos at nag-ambag sina Steph Curry at Zaza Pachulia ng tig-15 puntos.

KNICKS 106, MAGIC 95

Sa Madison Square Garden humugot si Derrick Rose ng 19 puntos ara sandingan ang New York Knicks kontra Orlando Magic.

Balanse ang atake ng Knicks para sa ikalawang sunod na panalo kung saan umiskor din si Carmelo Anthony ng 15 puntos at walong rebound. Nag-ambag ang mga reserve na sina Willy Hernangomez at Kyle O’Quinn sa naiskor na 15 at 14 marka, ayon sa pagkakasunod, habang umiskor si Kristaps Porzingis ng 12 puntos at apat na rebound.

Nadomina ng New York ang tempo ng laro para mahila ang bentahe sa pinakamalaking 18 puntos.

Nanguna si Serge Ibaka sa Orlando Magic sa naiskor na 23 puntos at 10 rebound, habang kumana si Evan Fournier ng 21 marker.

CELTS 109, PACERS 102

Ginapi ng Boston Celtics, sa pangunguna ni Isaiah Thomas na umiskor ng 28 puntos, ang Indiana Pacers sa Bankers Life Fieldhouse.

Naisalba ng Celtics ang mainit na opensa ni Paul George para makuha ang bentahe sa 51-40 sa halftime.

Umabot sa 17 puntos ang abante ng Boston sa third period bago umaksiyon si Jeff Teague para maidikit ang iskor sa 87-83 may apat na minuto ang nalalabi.

HEAT 115, LAKERS 107

Nakabangon ang Miami Heat, sa pangunguna nina Justise Winslow at Hassan Whiteside na kumana ng tig-23 puntos, mula sa 19 puntos na paghahabol para gapiin ang Los Angeles Lakers.

Nag-ambag si Goran Dragic ng 21 puntos at pitong assist.

Umabante ang Lakers sa 42-23 bago nagawang matunaw ng Heat ang bentahe sa 60-53 sa halftime.

Naisalpak ni Lou Williams ang three-pointer para maitabla ang iskor sa 99-all, ngunit gumanti ng 5-0 run ang Miami para sa 105-99 bentahe may 3:16 ang nalalabi.

Nanguna si Lou Williams sa lakers sa natipang 27 puntos, habang kumubra si D’Angelo Russell ng 17 puntos at pitong assist.