Iniimbestigahan na ng Bureau of Corrections (BuCor) kung paano nakatakas ang isang inmate sa minimum security compound sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, nitong Lunes ng madaling araw.

Kinilala ang nakatakas na inmate na si Nolan Cano y Navarro, 41, ng No. 47 Casoy Street, Verdant Acres Subdivision, Barangay Pamplona 3, Las Piñas City.

Sinentensiyahan si Cano ng 10 hanggang 17-taong pagkakakulong dahil sa kasong homicide noong Disyembre 2, 2008 at agad inilipat sa NBP.

Sa ulat ni BuCor Director Benjamin Delos Santos, madaling araw tumakas si Cano mula sa kanyang selda sa minimum security compound ng NBP.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Dahil dito’y kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang mga prison guard na naka-duty noong mga oras na iyon.

Nabatid na nakatakdang lumaya ngayong Disyembre si Cano dahil napagsilbihan na nito ang parusang inihatol sa kanya sa kasong pagpatay.

Nakalinya na rin umano sana ang paglipat kay Cano sa Muntinlupa City Jail kaugnay sa isa pa niyang kaso, hindi binanggit, na marahil isa sa dahilan ng kanyang pagtakas sa NBP.

Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis kay Cano. (BELLA GAMOTEA)