Mistulang si Pangulong Duterte mismo ang nagbigay ng pag-asa sa bigong pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa South China/West Philippine Sea matapos niyang ideklara na isasantabi muna niya ang desisyon ng international arbitral court sa usapin sa agawan ng teritoryo na pumabor sa Pilipinas.
Nagkasundo ang mga kongresista ng administrasyon at oposisyon na sa pagsasantabi sa desisyong pumabor sa Pilipinas ay pinatamlay ng mismong Presidente ang paninindigan ng Pilipinas sa pag-angkin sa mga teritoryo.
Sinabi ng oposisyong si Ifugao Rep. Teddy Baguilat na nakababahala ang nasabing deklarasyon ng Pangulo tungkol sa South China Sea, habang umapela naman kay Duterte ang kaalyado ng administrasyon na si Muntinlupa City Rep. Ruffino Biazon na i-reconsider nito ang nasabing pahayag.
Sa huli niyang pahayag, sinabi ni Duterte na siya “[would] set aside the arbitral ruling”, dahil sa nagbabagong sitwasyong pulitikal sa Southeast Asia.
Ang deklarasyong ito ng Pangulo ay taliwas sa pinanindigan niyang isusulong noong nangangampanya pa—na igigiit niya sa China ang pag-angkin ng Pilipinas sa ilang teritoryo sa lugar. (Ben R. Rosario)