OKLAHOMA CITY (AP) – Naisalpak ni Paul Millsap ang go-ahead basket at nagbakod ng mala-moog na depensa ang Atlanta Hawks para maitakas ang 110-108 panalo kontra Oklahoma City Thunder nitong Lunes (Martes sa Manila) sa Chesapeake Energy Arena.

Gahibla lamang ang abante ng Hawks, 98-97, sa kalagitnaan ng final period nang rumatsada ang Thunder, sa pangunguna ni Westbrook para sa 7-2 run at agawin ang bentahe sa 104-100 may 3:54 sa laro. Nagpalitan ng basket sina Dennis Schroder at Westbrook sa mga sumunod na tagpo para magtabla ang iskor sa 108, tungo sa nalalabing 32 segundo.

Sa sumunod na opensa, naisalpak ni Millsap ang game-winner may 12 segundo ang nalalabi, bago sinupalpal ni Kent Bazemore ang tira ni Westbrook para selyuhan ang panalo ng Atlanta.

Nanguna si Schroder sa Hawks sa naiskor na 31 puntos at walong assist, habang kumubra si Millsap ng 30 puntos at 11 rebound para sa ika-14 na panalo sa 28 laro ng Hawks.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ratsada si Westbrook sa natipang 46 puntos, 11 rebound at pitong assist, ngunit hindi ito sapat para makaungos ang OKC na bumagsak sa 16-12 karta. Kumawala sina Jerami Grant at Andre Roberson ng 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

WOLVES 115, SUNS 108

Sa Target Center, naisalba ng Minnesota Timberwolves ang late-game collapse tungo sa gabuhok na panalo kontra Phoenix Suns.

Tangan ng Minnesota ang 14-puntos na bentahe sa first half, ngunit nagawa itong malusaw ng Suns at maidikit ang iskor sa 105-103 may 4:16 sa laro.

Senulyuhan ni Karl-Anthony Towns, kumubra ng 28 puntos at 15 rebound, ang panalo ng Wolves sa matikas na 10-2 run.

Nag-ambag si Andrew Wiggins ng 26 puntos, habang umiskor si Zach LaVine ng 23 puntos.

Nanguna si Eric Bledsoe sa Phoenix sa natipang 27 puntos.

BULLS 113, PISTONS 82

Sa United Center, dunagundong ang hiyawan ng home crowd nang tuhugin ng Chicago Bulls, sa pangunguna ni Jimmy Butler sa naiskor na 19 puntos at anim na assist, habang timipa si Rajon Rondong season-high 14 assist.

Samantala, naisalpak ni Thadeus Young ang go-head basket sa 107-105 panalo ng Indiana Pacers kontra Chicago Bulls; ginapi ng Denver Nuggets ang Dallas Mavericks, 117-107.