ramirez-copy

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang magbubukas sa itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) na Philippine Sports Institute (PSI).

Ito ang kinumpirma kahapon ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez matapos itakda ang inagurasyon ng pinakaaasam na pundasyon ng Philippines Sports sa Enero 17 sa Philsports Complex sa Pasig City.

“Tayo na lang yata ang walang sports institute,” pahayag ni Ramirez.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

“Since Commonwealth Games, marami na ang umunlad na mga bansa sa kanilang pagbibigay importansiya sa sports institute, pero tayo hanggang ngayon ay wala pa rin,” aniya.

Ang PSI ay matagal nang programa sa pamumuno ni Ramirez noong una siyang manungkulan sa PSC may isang dekada na ang nakalilipas, ngunit hindi ito umusad bunsod ng samu’t saringh dahilan.

“Walang masyadong suporta noon. Pero ngayon, buo ang suporta ng Pangulong Duterte sa ating mga atleta at ang PSI ang kasama natin sa paghubog sa world-class at competitive athletes,” pahayag ni Ramirez.

Matibay ang koordinasyon ng PSI, sa pamumuno ni Administrative Director Marc Velasco, sa Local Government Unit (LGUs), gayundin sa Education department at iba pang sektor para masiguro ang tagumpay ng PSI.

“May nakita na kaming apat na probinsiya na akma para maging regional training center ng PSI. We already talked with the Governors and official concerned para maitaguyod na natin ito,” sambit ni Velasco.

Kabilang dito ang Surigao at Davao del Norte na nag-host sa matagumpay na Batang Pinoy sa Tagum City.

“Sa Davao City malaki rin ang potensyal, dahil right now nagtatayo na sa loob ng University of Mindanao ng isang world-class sports complex with complete facility. Puwedeng-puwede tayong maki-tie up dito,’ sambit ni Velasco.

Puspusan ang ginagawang construction ng mga sports facility sa Davao City dahil sa interest ng lungsod na maging satellite venue sa gaganaping 2019 Southeast Asian Games sa bansa.

Iginiit ni Ramirez na klaro ang instruction ni Pangulong Duterte na pataasin angh kalidad at antas ng mga atletang Pinoy.

“Our guest of honour in PSI grand launching will be President Rodrigo R. Duterte, who will also serve as the keynote speaker,” pahayag ni Ramirez.

Asam ni Ramirez na makapagbuo ng kabuuang 12 regional training center sa buong bansa kung saan ibabahagi nito ang mga makabagong kaalaman ukol sa talent identification, nutrition, strength and conditioning, sports science at ang mga modernong paghahanda para sa mga papaangat na batang atleta at miyembro ng pambansang koponan. (Angie Oredo)