Nagbabalik mula sa tinamong right calf muscle injury sa nakalipas na season, ipinakita ni Vic Manuel ang pagiging epektibo sa opensa at depensa upang tulungan ang Alaska na magtala ng dalawang panalo nitong nakalipas na linggo.

Nagtala si Manuel ng double-double -- 22 puntos at 10 rebound -- bukod sa dalawang block at isang steal, nang maitala ng Aces ang come-from-behind 81-79 panalo laban sa Meralco Bolts noong Miyerkules.

At nitong Linggo, nagposte ang tinaguriang “Muscle Man” ng 10 puntos, limang rebound, dalawang steal at isang block matapos hugutin sa bench para tulungan ang Alaska na magapi ang Barangay Ginebra, 102-86.

Nagposte ang 9th overall pick noong 2012 PBA Rookie Draft ng average na 16 puntos, 7.5 rebound, 1.5 steal at 1.5 block na naging dahilan upang mapili siyang Accel-PBA Press Corps Player of the Week (Disyembre 12-18).

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

Tinalo niya para sa lingguhang citation sina league 3-time MVP June Mar Fajardo ng San Miguel at playmaker nilang si Alex Cabagnot, Star guard Paul Lee, TNT big man Kelly Williams at Blackwater sophomore forward Art Dela Cruz.

Dahil sa ipinapakitang laro ni Manuel, napupunan nito ang kawalan ng mga injured big men nilang sina Sonny Thoss at Noy Baclao.

Sa kabuuan at nakatatlong sunod ng panalo ang Aces na nag- angat sa kanila sa ikatlong puwesto hawak ang barahang 3-2 kasalo ng Star, TNT, Blackwater at Rain or Shine. (Marivic Awitan)