tony-labrusca-copy-copy

NAPANOOD namin ang interview ni Boy Abunda kina Tony Labrusca at Mark Noblea na parehong hindi nanalo sa Pinoy Boyband Superstar (PBS) sa Tonight With Boy Abunda (TWBA).

Sa audition pa lang ay nagustuhan na namin kaagad si Tony na kahit sa ibang bansa lumaki ay kapansin-pansin ang pagiging prim and proper. Kaya nga nakakapagtaka na binansagan siyang ‘Badboy ng Vancouver, Canada’ dahil kabaligtaran.

Unang pagkikita ni Tony at ng amang si Boom Labruska sa audition ng PBS na naging daan din para magkaroon na sila ng communication at bonding. Hindi man sinabing diretso ng binata, gusto niyang makilala nang husto ang kanyang ama.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Pero ipinaliwanag niya na iniingatan niya ang mararamdaman ng ina sa pagkikita nila ng kanyang tunay na ama. Ayaw niya itong masaktan lalo’t malaki ang isinakripisyo nito sa pagpapalaki sa kanya.

Pinakagusto namin ang acknowledgement ni Tony na ang kanyang silent hero ay ang kanyang stepfather dahil ito ang nakatuwang ng kanyang ina na pagpapalaki sa kanya.

Na-reveal din sa ‘fast talk’ segment ng TWBA na sa edad ni Tony ay wala pa siyang karanasan sa babae.

Aminado siya na ikinalungkot niya nang husto ang pagkatalo niya sa PBS dahil pangarap talaga niya ito. Napakalakas ni Tony nang mag-umpisa ang show kaya nakapagtataka na bigla nalaglag siya sa finale.

Pareho ang sagot nina Tony at Mark na si Tristan Ramirez ang pinakahuli sa ranking sa nabuong Boyband PH. Konti lang ang inilamang ni Tristan kay Tony sa ‘Grand Reveal’.

Malaking challenge kay Tristan na mapatunayang hindi tsamba ang pagkakapasok niya sa Boyband PH.

Samantala, tsinek namin kung ilan ang view nina Tony at Tristan nang mag-audition sila. May mahigit kalahating milyong view si Tristan at isa’t kalahating milyon naman si Tony. At binanggit pa ng huradong si Aga Muhlach na, “Sana kumakanta, ‘no? Perfect sana” at umabot sa 98% ang boto sa kanya kaya siya nakapasok.

Pero tama ang sinabi ni Kuya Boy, huwag mawalan ng pag-asa dahil maraming hindi nananalo sa contest na mas lumaki pa ang pangalan kaysa tinanghal na big winner. Baka hindi siya pang-boyband at mas aalagwa ang career as a solo artist.

Walang makapagsasabi sa kapalaran ng bawat tao. Bilog ang mundo, at hindi pa tapos ang tunggalian ng buhay.

(Reggee Bonoan)