BINALAAN ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga national sports associations (NSA) na magpakitang-gilas sa 2017 Southeast Asian Games o maghanap na lang ng sariling ‘Sports Godfather’.

Iginiit ni Ramirez na hindi magdadalawang-isip ang pamahalaan na bawasan at limitahan ang budget ng NSAs na magkukumahog sa biennial meet na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“I will really tell the NSAs, you perform. If you don’t perform, look for your money,” pahayag ni Ramirez sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Target ng Philippine Team na makaalpas sa ikaanim na puwestong kinasadlakan nitong 2015 sa Singapore.

Para makondisyon ang kaisipan nang mga atleta at coach, sinabi naman ni Ramirez na ibibigay ng PSC ang lahat nang kanilang pangangailangan sa paghahanda sa SEA Games, at asahan ang insentibo sa kanilang tagumpay.

“Ang sabi ko sa mga coaches, doblehin ko ‘yung budget but give me your target and goal for 2017,” pahayag ni Ramirez, nagbabalik na chairman ng PSC.

Noong 2005 SEAG na ginanap sa Manila, nakamit ng bansa ang kauna-unahang overall championship. Si Ramirez ang chairman noon ng ahensiya.

“Number eight na ba tayo o nine? Hindi ko alam ‘yan, ang nakakaalarma sa mga NSAs. Dapat sila ang managot diyan,” aniya.

Sinabi ni Ramirez na kargo ng mga opisyal ng NSAs ang kahihinatnan ng performance ng mga atleta sa SEAG – itinuturing na pinakamababang level sa international multi-event competition.

“The people, the Philippines, the Senate, House of Representatives, and many others, are asking after 26 years, saan na ba tayo? It’s so humiliating na, katulad ng sabi ni Sen. Tito Sotto, nung walang budget sa gobyerno, number one sa bowling. Ngayon na may funding ng PSC, wala ng medal,” aniya.

“Malaki ang pananagutan, obligasyon, at responsibility ng bawat NSAs.”