Sisimulan na ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation sa reklamong isinampa laban sa mga pulis na isinasangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. at isa pang bilanggo sa Leyte sub-provincial jail sa Baybay City noong Nobyembre 5.
Itinakda ng DoJ sa Disyembre 20 ang unang hearing para sa mga kasong murder, robbery, malicious procurement of search warrant, perjury at planting of evidence na inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 25 respondents, na kinabibilangan ng sinibak na Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 chief na si Supt. Marvin Marcos.
Sa Enero 8, 2017 naman ang ikalawang pagdinig at inaasahang magsusumite ng kanilang mga counter-affidavit ang mga respondent.
Una nang lumabas sa findings ng NBI na rubout ang pamamaril at pagpatay ng raiding team ng CIDG-8 kina Espinosa at Raul Yap sa loob ng piitan.
NANINDIGAN SI DUTERTE
Kaugnay nito, nanindigan naman si Pangulong Duterte na pinaniniwalaan niya ang mga pulis kaugnay ng pamamaslang kay Espinosa.
“Sabi ng NBI ngayon murder. Well, sabi ko unless there is a case filed and convicted. I would still believe the police and even the military for that matter,” muling iginiit ng Pangulo sa harap ng Filipino community sa Cambodia nitong Martes ng gabi. “Of course I will believe the police.”
Una nang sinabi ni Duterte na hindi niya papayagang makulong ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa alkalde, dahil naniniwala siya sa sinabi ng huli na nanlaban ang huli.
WALA NANG SENATE HEARING
Kinumpirma rin kahapon ni Senator Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na hindi na wala nang gagawing pagdinig ang kanyang komite sa kaso ng pagkamatay ni Espinosa.
“No more further hearings. We will submit the committee report on January,” ani Lacson.
(Beth Camia, Genalyn Kabiling at Hannah Torregoza)