Sinibak kahapon ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang sarili niyang appointee na si Bureau of Immigration (BI) acting intelligence chief Charles Calima Jr. dahil sa pagkakadawit nito sa umano’y P50-milyon payoff ng casino tycoon na si Jack Lam sa dalawang komisyuner ng kawanihan.

Bukod kay Calima, sinibak din ng kalihim ang deputy of intelligence ni Calima na si Police Supt. Edward Chan sa kaparehong alegasyon.

Sinabi ni Aguirre na ang pagkakasibak kina Calima at Chan ay upang bigyang-daan ang “fair investigation without interference from anybody.”

KAHALILI

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kasabay nito, nagtalaga na rin si Aguirre ng kapalit nina BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles, na pangunahing akusado sa bribery scandal at kapwa naghain ng isang-buwan leave.

Sa Department Order 905 na pirmado ni Aguirre, itinalaga niya bilang pansamantalang kapalit ni Argosino si Atty. Estanislao Canta, habang sa bisa ng Department Order 906 ay hahalinhan naman ni Immigration Officer IV Jose Carlitos Licas sio Robles.

Ibinalik nina Argosino at Robles nitong Martes kay Aguirre ang P30 milyon na tinanggap nila mula sa middleman ni Lam na si Chief Supt. Wally Sombero kapalit ng pagpapalaya sa ilan sa 1,316 na Chinese na naaresto sa ilegal na pagtatrabago sa casino resort ni Lam sa Clark, Pampanga.

Sinabi nina Argosino at Robles na tinanggap nila ang P30 milyon—hindi P50 milyon gaya ng napaulat—bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon. Sinabi nilang P2 milyon sa nasabing halaga ang napunta kay Sombero at P18 milyon naman kay Calima.

WALANG ENTRAPMENT

Pinabulaanan naman ng kampo ni Sombero na entrapment ang pag-aabutan nila ng pera, na nakuhanan pa ng CCTV camera, sinabing “if it was an entrapment they could have arrested me right away.”

Ayon naman kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, kulang ng P1,000 ang perang isinauli nina Argosino at Robles nang bilangin nila noong Martes.

“We ended counting the money turned over to us at around 8pm kagabi, it is P1000 short. So it is really P29,999,000,” ani Balmes.

SERBISYO LANG

Sa kainitan ng kontrobersiya, nanawagan kahapon si BI Commissioner Jaime Morente sa lahat ng kanyang tauhan sa buong bansa na ituon ang kanilang pansin sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

“I take this opportunity to send out a message to the men and women of the Bureau of Immigration across our islands.

Let not the developments of recent days derail us from the task at hand. We have a job to do, a job that we must do well as one team,” mensahe ni Morente sa mga empleyado ng BI.

(Jeffrey Damicog, Beth Camia, Betheena Kae Unite at Mina Navarro)