Hindi na pinaporma ng Centro Escolar University Scorpions ang karibal na Olivarez College Sea Lions para kumpletuhin ang sweep sa dominanteng 59-38 panalo at tanghaling unang kampeon sa Universities and Colleges Basketball League (UCBL) Huwebes ng gabi sa Olivarez College gym sa Paranaque City.
Bunsod ng panalo, naidagdag ng Scorpions ang UCBL sa kanilang trono matapos pagharian ang National Athletic Association of Schools, Colleges, and Universities.
“They played a monster defense in the third quarter. Dinoble nila ‘yung effort nila,” pahayag ni CEU head coach Yong Garcia patungkol sa dalawang puntos lamang na nagawa ng Sea Lions sa third period.
Nanguna si Patrick Aquino sa Scorpions sa naiskor na 14 puntos, habang kumana si Rodrigue Ebondo ng 13 puntos, 11 rebound at tatlong block.
Nag-ambag si point guard Orlan Wamar ng 10 puntos at apat na rebound para sa CEU at tanghaling Most Valuable Player sa Finals.
Nakaabante ang Sea Lions sa 14-13, ngunit nalimitahan lamang sa walong puntos sa second quarter para maghabol sa 28-22 sa halftime.
Ngunit, nagbakod ng matinding depensa ang Scorpions sa third period para pigilan ang Sea Lions na makahirit ng puntos para tuluyang mailayo ng CEU ang kalamangan.
Tanging si Jayboy Solis lamang ang nakaiskor ng double digit sa Sea Lions sa natipang 12 puntos.
“Ito ‘yung first league ko as head coach. I’m very thankful to God,” pahayag ni Garcia, pumalit kay Egay Macaraya matapos itong umakyat sa NCAA.
Ang UCBL ay pinamumunuan ni Franklin Evidente, habang si Bernard Yang ang technical head at si Melo Navarro ang deputy technical head. Ang dating coach na si Horacio Lim ang tournament director.
Iskor:
CEU (59)—Aquino 14, Ebondo 13, Wamar 10, Arim 6, Manlangit 4, Fuentes 3, De Leon 3, Casino 2, Veron 2, Umeanozie 1, Quiminales 1, Guinitaran 0, Saber 0.
Olivarez (38)—Solis 12, Sing 6, Saguiguit 6, Bermudez 4, Navarro 3, Udaba 2, Belaso 2, Almejada 2, Geronimo 1, Rabe 0, Sunga 0, Sala 0, Diaz 0, Rabusa 0, Francis 0.
Quarterscores: 13-14; 28-22; 44-24; 59-38.