Isang salita ang namutawi sa mga labi ni La Salle Cameroonian slotman Ben Mbala matapos makumpleto ng Green Archers ang dominanteng kampanya sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament.

“Sulit,” pahayag ng Season MVP.

Inabot ng tatlong taon ang pinaghintay ni Mbala para matikman ang kampeonato at mapatunayan na angkop ang kanyang talento sa kalidad ng basketball sa premyadong collegiate league sa bansa.

Lumipat sa La Salle si Mbala mula sa Southwestern University sa Cebu noong 2013.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi kaagad nakalaro si Mbala sa Archers matapos ang isyu ng residency at mapatunayan na naglaro siya sa ibang liga.

Kaya naman ng mabigyan ng tsansa ngayong taon, hindi na siya nag-aksaya ng panahon at kada laro ay ipinakita niya ang inaasahan sa kanya ng mga tagahanga na nagresulta sa dominasyon ng koponan noong nakaraang double round eliminations.

“I’m coming out (three seasons) without playing. It was really hard. Coming in with the championship, it was really sweet especially we got it against Ateneo,” pahayag ni Mbala.

Nagtala siya ng 18 puntos at 10 rebound bukod pa ang tatlong block sa championship Game 2.

“This is one of the most memorable finals I’ve been through,” ayon kay Mbala.

Sa kabila ng ipinakitang dominasyon sa liga, sinabi ni Mbala, na naging mahirap para sa kanilang lahat ang naturang hamon sanhi ng napakataas na ekspektasyon mula sa kanila lalo na sa La Sallian community.

“That was the most challenging thing. We have to find a way to step up and always improve our game and find adjustments. The guys were able to understand that we were just showing our talent but at a certain moment, you have to play as a team,” aniya.

Para kay Mbala, isang malaking bonus na lamang para sa kanya ang pagkapanalo ng MVP dahil wala aniya siyang ibang hangad kundi ang tulungan na maipanalo ang DLSU. (Marivic Awitan)