Walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa kabi-kabilang patayan sa bansa kaugnay ng pinaigting na kampanya kontra droga.

Ito ang resulta ng imbestigasyon ng Senate committee on justice and human rights sa sinasabing extrajudicial killings na iniuugnay sa drug war, kasabay ng pagsasabing hindi totoong may Davao Death Squad (DDS), na iniuugnay din sa Pangulo noong alkalde pa siya ng Davao City.

Labing-isang senador ang lumagda sa 100-pahinang Committee Report No. 18 tungkol sa extrajudicial killings, kabilang ang committee chairman na si Sen. Richard Gordon at ang vice chairman na si Sen. Panfilo Lacson.

Lumagda rin sa report sina Senators Gringo Honasan, Loren Legarda, Juan Miguel Zubiri, Nancy Binay, Manny Pacquiao, Vicente Sotto III, Franklin Drilon, Alan Peter Cayetano, at Francis Pangilinan.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Hindi naman lumagda sa report sina Senate Minority Leader Ralph Recto, Senators Grace Poe, Leila de Lima, Antonio Trillanes IV at JV Ejercito, na sinuspinde ng Office of the Ombudsman.

Sa isang panayam, sinabi ni De Lima na ihahain niya sa Lunes ang kanyang dissenting report sa mga rekomendasyon ni Gordon.

Inirekomenda ng report na dapat na maging maingat si Pangulong Duterte sa kanyang mga pahayag sa publiko at “avoid inappropriate statements lest they be construed as policies of the State”.

Hinimok din ng komite si Duterte “[to] raise their standards of accountability” sa mga pulis na nagkakasala “so that they become paragons of protectors of the people.”

‘FATHER OF EJKs’

Ang rekomendasyon ay kasunod ng pahayag ng Presidente nitong Miyerkules na hindi niya papayagang makulong ang 24 na pulis na kakasuhan sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. sa loob ng piitan sa Baybay City, Leyte.

Gayunman, sinabi ni Senator Leila de Lima na ang pahayag na ito ng Pangulo ay isang “admission that he is the mastermind of such extrajudicial killing”.

“People of the Philippines, your President is a murderer,” ani De Lima.

“Together with Edgar Matobato’s testimony on the Davao Death Squad (DDS), Duterte’s admission seals his fate as the Father of all EJKs, first in Davao City, now throughout the entire Philippines, with the number of his victims now beyond the five thousand mark, and still rising,” dagdag ng senadora.

Kaugnay nito, nanawagan si De Lima sa publiko na ipagdasal si Pangulong Duterte: “Let us pray that our President starts fearing God and respecting the gift of life in this season of love and hope. Let us pray that our President finally sees the light and puts a stop to all the killings in time for Christmas.”

(HANNAH L. TORREGOZA at LEONEL M. ABASOLA)