BAYOMBONG, Nueva Vizcaya - Sumuko na sa awtoridad ang pulis na nakabaril at nakapatay sa abogadong asawa ng kanyang kapwa pulis na sinasabing karelasyon niya.

Sa panayam kahapon kay Chief Insp. Alexander Cabang, hepe ng Diadi Police, sinabi niyang sinundo ng mga pulis at ng sariling ama si PO1 Clifford Dulnuan sa Kiangan, Ifugao para isuko.

Nai-turn over na rin si Dulnuan sa himpilan ng Diadi Police nitong Linggo ng hapon.

Si Dulnuan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Public Safety Company sa Bayombong habang hinihintay ang paglilitis sa kahaharaping homicide.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Ang pulis ang suspek sa pagpatay kay Atty. Jemar Apada, 29, chief of staff ni Apayao Gov. Elias Bulut, Jr. nitong Disyembre 1.

Ayon sa report, nadatnan ng abogado ang kanyang asawang si PO2 Jenny Apada habang kasama sa boarding house ang noon ay natutulog na si Dulnuan.

Binaril ng suspek ang biktima na kaagad na namatay.

Samantala, umamin na rin si PO2 Apada sa kanyang opisyal na may namamagitan sa kanila ni Dulnuan, ngunit hindi umano nito inaasahan ang pangyayari. (Liezle Basa Iñigo)