Cavaliers, nalupig ng Bulls; Rockets at Spurs wagi.

CHICAGO (AP) – Naisalba ng Bulls ang matikas na ratsada ng defending champion Cavaliers para pagkalooban ng kasiyahan ang home crowd na kinabibilangan ng mga miyembro ng World Series champion Chicago Cubs sa impresibong 111-105 panalo nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nagtumpok ng pinagsamang 73 puntos sina Dwyane Wade, Jimmy Butler at Taj Gibson para kagyat na maibangon ang katauhan mula sa masaklap na kabiguan sa Los Angeles Lakers.

Hataw si Butler sa naiskor na 25 puntos, habang kumana si Wade ng 24 puntos mula sa 11-of-23 shooting at tumipa si Gibson ng 23 puntos at 11 rebound.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumubra si Rajon Rondo ng triple-double -- 15 puntos, 12 assist at 11 rebound – para sa ika-11 panalo ng Bulls sa 18 laro.

Natamo ng Cleveland ang ikatlong sunod na kabiguan kung saan bigo silang makabawi mula sa nakadidismayang pagkatalo sa Milwaukee sa home game at Los Angeles Clippers.

Nanguna si LeBron James sa naiskor na 27 puntos at 13 assist, habang umiskor si Kyrie Irving ng 20 puntos at walong assist at nag-ambag si Kevin Love ng 15 puntos.

ROCKETS 128, NUGGETS 110

Sa Pepsi Arena, tila hindi napagal ang katauhan ng Houston Rockets mula sa pahirapang double overtime win kontra sa Golden State Warriors, sa kahanga-hangang opensa tungo sa dominating panalo laban sa Denver Nuggets.

Kumawala sina Ryan Anderson at Trevor Ariza sa first period sa naiskor na tig-11 puntos, bago rumagasa ang opensa ni James Harden para itarak ang pinakamalaking bentahe sa 22 puntos may 4:24 ang nalalabi.

Nanguna si Harden sa pitong Rockets na umiskor ng double digits sa natipang 20 puntos at tumatag sa 13-7 karta.

SPURS 107, WIZARDS 105

Sa San Antonio, naisalpak ni Kawhi Leonard ang 20-foot jumper mula sa assist ni Manu Ginobili para iligtas ang Spurs sa dikitang laban kontra sa Washington Wizards.

Tumapos si Leonard na may 23 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Spurs at ika-16 sa kabuuang 20 laro.

Kumubra sina LaMarcus Aldridge at Pau Gasol ng tig-19 puntos para s Spurs.

Nanguna sa Washington si Bradley Beal sa naiskor na 23 puntos, habang tumipa si Marcin Gortat ng 21 puntos at may 17 puntos si John Wall.

CLIPPERS 114, PELICANS 96

Sa New Orleans, ratsada si Blake Griffin sa naiskor na 27 puntos at 10 rebound, habang umiskor si Chris Paul ng 17 puntos at tatlong assist sa panalo ng Clippers kontra New Orleans Pelicans,

Impresibo ang ikalawang sunod na panalo ng Clippers na nagwagi rin kontra sa Cleveland para sa ika-16 na panalo sa 21 laro.

Nag-ambag si Jamal Crawford ng 21 puntos, habang umiskor si Luc Mbah a Moute ng 15 puntos.

Nanguna ang scoring leader na si Anthony Davis sa natipang 21 puntos. Wala nang iba pang Pelicans ang umiskor ng double digit.

Sa iba pang laro, pinayukod ng Boston Celtics ang Sacramento Kings, 97-92; nasupil ng New York Knicks ang Minnesota Timberwolves, 118-114, sa Madison Square Garden at naihawla ng Detroit Pistons ang Atlanta Hawks, 121-85.