Bagamat iginigiit na may kapangyarihan ang Kamara na ipag-utos ang pag-aresto kay Senator Leila de Lima, inamin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi prioridad ngayon ng mababang kapulungan ang pagsusulong ng kaso laban sa senadora sakaling balewalain nito ang show-cause order ng Kamara.
Sa mga panayam sa telebisyon kahapon, sinabi ni Alvarez na bukod sa posibilidad ng legal na kumprontasyon sa Senado, posible rin umanong gamitin ni De Lima ang pagkakapiit nito upang magmukhang kawawa sa gitna ng kontrobersiya.
Sa isang panayam, humingi pa ng paumanhin ang leader ng Kamara sa mga piniling salita ng mga kapwa niya kongresista na nagsagawa ng pagdinig sa dating driver ng senadora na si Ronnie Dayan.
“You know, as much as possible, ayaw din naming magkaroon ng parang head-on confrontation ‘yung Senate tsaka iyong House of Representatives. In the first place hindi naman ganoon kabigat ‘yung taong pinag-uusapan dito, to cause a head on between two institutions,” ani Alvarez.
Gayunman, tiniyak niyang igigiit ng Kamara “definitely” ang disbarment ni De Lima na ihahain sa Korte Suprema dahil sa pakikialam sa House inquiry. (Ben R. Rosario)