Pinabibilisan na ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagbebenta ng ilang prime real estate assets ng bansa upang makabili ng sapat na suplay ng langis o krudo.
Kaugnay ito sa patuloy na sagupaan ng mga bansang nasa rehiyon ng Gitnang Silangan, na nagbubunga ng katakot-takot na pagsipa sa presyo ng mga produkto, partikular na ang produktong petrolyo.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, isinasagawa na ng pamahalaan ang mabilisang “pre-disposition” ng Atrium of Makati, the Mile Long complex, at bahagi ng Food Terminal Inc. (FTI) property sa lungsod ng Taguig.
“We are targeting Atrium of Makati, Mile Long, and a portion of FTI for this year. Pre-disposition activities are currently ongoing,” saad ni Finance Assistant Secretary Michael Peter A. Alejandro sa Manila Bulletin noong Miyerkules, Marso 18.
Ayon naman kay Department of Finance (DOF) Secretary Frederick Go, ang kikitain sa pagbebenta ng mga nabanggit na establisyimento ay ipandadagdag sa pambili ng suplay ng langis ng bansa.
Base sa mga ulat, minamatahan ng DOF na makakalap ng ₱193.7 bilyon mula sa privatization ng ilang big-idle government assets, katulad na lamang ng mga naturang establisyimento.
Matatandaang kamakailan, nanindigan si PBBM na sapat umano ang suplay ng langis ng Pilipinas, na aniya’y aabot sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw.
“First of all, let me assure everyone that we have [a] sufficient supply of oil. Mayroon tayong stockpile that are approximately fifty (50) to sixty (60) days in terms of gasoline, in terms of fuel oil, and in terms of kerosene,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM-Balita
Gayunpaman, isiniwalat niya ring nakikipag-usap na siya sa mga bansang maaaring pagbilhan ng krudo, upang masiguro ang sapat na suplay nito sa bansa.
“We are talking to many other countries who we normally do not buy oil from, but hopefully we will be able to come to an agreement with them, and we will get further supply from them,” anang Pangulo.
MAKI-BALITA: PBBM, nakikipag-usap na sa ibang bansang puwedeng mapagkunan ng suplay ng langis-Balita
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-ariba ng presyo ng produktong petrolyo.
MAKI-BALITA: Bantay-presyo: Alamin ang presyo ng krudo ngayong Marso 17-23-Balita