Nahihirapan ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) inter-agency drug interdiction task group na ihiwalay ang pinaghihinalaang cocaine mula sa jacket, comforter at iba pang personal na gamit ng isang Russian na bumiyahe mula sa Brazil via Dubai nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ni Customs district collector Ed Macabeo ang Russian drug courier na si Novopashina Anastaiia, 32, na dumating sa Pilipinas dakong 4:25 ng hapon lulan sa Emirates Air flight EK 332 nitong Lunes, at inaresto dakong 8:45 ng gabi matapos madiskubre ng mga opisyal ang pinaghihinalaang cocaine.

Sinimulan na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ihiwalay ang cocaine mula sa tatlong jacket, comforter at iba pang gamit ng suspek ngunit inamin nila na sila’y nahihirapan sapagkat ito’y madikit.

Nakarating sa Customs at PDEA na may isang Russian na magtatangkang magpuslit ng cocaine na itatago sa kanyang mga personal na gamit.

‘Messenger.com,’ hindi na magagamit simula Abril 2026

Dahil dito’y agad ipinakalat ng Customs ang kanilang mga tauhan, kasama ang kanilang mga drug-sniffing dog, habang hinihintay nila na kunin ni Anastaiia ang kanyang mga gamit sa conveyor belt matapos nila itong imbitahan para inspeksiyunin ang kanyang mga bagahe sa customs office ng NAIA terminal 3.

Sa kasagsagan ng pag-iinspeksiyon, nadiskubre ng mga customs official ang hindi madeterminang halaga ng pinaghihinalaang cocaine na pilit itinago sa tatlong jacket, isang comforter, at strap ng kanyang backpack.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA si Anastaiia upang masampahan ng kaukulang kaso sa oras na madetermina ang eksaktong halaga ng cocaine. (ARIEL FERNANDEZ)