SA paggunita ngayon ng kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, unang sumasagi sa ating kamalayan ang pamumuhunan ng buhay at dugo ng ating mga bayani alang-alang sa kasarinlan ng bansa. Bukas na aklat na ang kanilang mga pakikipagsapalaran na hindi natin malilimutan kahit na ang ilan sa kanila ay kinukulapulan ng nakapagdududang kabayanihan. Marami ring naghahangad na maging bayani ng lahi.

Sa bahaging ito, bagama’t hindi humawak ng armas at pumalaot sa larangan ng digmaan, ang ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) ay maituturing ding mga bayani. Sila ang binansagan nating mga buhay na bayani na laging sumasagip sa lugaming ekonomiya ng bansa; malimit na sila ang kaagapay ng halos lahat ng nakalipas na administrasyon sa pagpapataas ng gross national products dahil sa bilyun-bilyong dollar remittances mula sa milyun-milyong OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa daigdig karamihan ay mula sa Middle East states.

Napipilitan silang mangibang-bansa upang humanap ng magandang kapalaran para sa kanilang sarili at sa kanilang mga mahal sa buhay. Ibayong hirap ang kanilang sinusuong dahil naman sa kawalan o kakulangan ng mapagkakakitaan sa Pilipinas; kahit na ang gayon ay mangahulugan ng matinding kalungkutan dahil sa matagal na pagkakawalay sa kanilang pamilya.

Nakalulungkot na may pagkakataon na ang ilan sa kanila ay bigla na lamang nawawalan ng trabaho, tulad ng nangyari sa libu-libong OFW na nabakante dahil sa pagtigil ng operasyon ng pinapasukan nilang mga kumpanya. Mabuti na lamang ang malaking bahagi nito ay nakauwi na sa tulong ng ating gobyerno at ng mga opisyal ng mga bansa sa Middle East.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

Nakalulungkot din na ang ilan sa ating mga OFW ay nagiging biktima ng panggigipit ng mapagsamantalang employers na walang malasakit sa kanilang halos aliping mga kasambahay. Hindi masisisi, sa kabilang dako, kung ang ilan sa kanila ay napipilitang lumabag sa batas dahil sa pagtatanggol sa kanilang kaapihan at kapurihan.

Dahil dito, napapanahon ang pagsusulong ng isang panukalang batas na lilikha ng Department of OFWs. Buong panahon ang iuukol nito sa kapakanan ng itinuturing nating mga bayani; ito ang mangangalaga sa kanilang karapatan, tulad ng karagdagang tax incentives sa ipinadadala nilang mga Balikbayan box at iba pang kaluwagan na angkop lamang sa binansagan nating mga buhay na bayani. (Celo Lagmay)