ZAGREB, Croatia (AP) — nakamit ng Argentina ang kauna-unahang Davis Cup title nitong Linggo (Lunes sa Manila) nang gapiin ni Federico Delbonis si Ivo Karlovic sa straight set para makumpleto ang impresibong pagbangon laban sa Croatia, 3-2.
Napahiga sa court si Delbonis nang maitala ang huling puntos para sa 6-3, 6-4, 6-2 panalo. Kaagad siyang sinugod ng kanyang mga kasangga para sa masayang pagdiriwang sa bagong kasaysayan ng Argentina sa tennis.
Masayang nagdiwang at nagsayawan ang mga tagahanga ng Argentina, kabilang si soccer great Diego Maradona na iwinawagayway ang bandila ng bansa.
Ito ang kauna-unahang Davis Cup title para sa Argentina sa limang pagkakataon na lumaban sa finals mula noong 1981.
Huling nagwagi naman ang Croatia noong 2005.
Tangan ng Croats ang bentahe sa best-of-five-series matapos manalo sa doubles event nitong Sabado.
Sa unang reversed singles, naungusan ni Juan Martin Del Potro ang liyamadong si Marin Cilic 6-7 (4), 2-6, 7-5, 6-4, 6-3 para maitabla ang serye sa 2-2.
"Delpo showed his huge heart after turning around the match that looked lost," sambit ni Argentina team captain Daniel Orsanic.
"Federico played a perfect match under huge pressure. I'm really proud to be part of this fantastic team."
Bunsod ng panalo, ang Argentina ang ikatlong bansa na nagwagi ng Davis Cup matapos maghabol sa 2-1.
"This is fabulous," pahayag ni Delbonis.