PHILADELPHIA (AP) – Sumambulat ang opensa ni Kyrie Irving sa naiskor na 19 puntos sa fourth period tungo sa season-high 39 puntos sa 112-108 panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Sixers Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Naghabol ang Cavs sa anim na puntos sa first period at nanatiling nasa unahan ang Sixers papasok sa final period bago nanalasa si Irving para sandigan ang defending NBA champ ion sa ikaapat na sunod na panalo.

Hataw din si LeBron James sa natipang triple-double -- 26 puntos, 10 rebound at 13 assist – para sa ika-13 panalo ng Cleveland sa 15 laro.

Nag-ambag si Kevin Love ng 25 puntos at 11 rebound.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Natamo ng Sixers ang ikatlong sunod na kabiguan.

Nanguna si Joel Embiid sa anim na Sixers na kumubra ng double digits sa naiskor na 22 puntos.

MAVS 91, PELICANS 81

Sa Dallas, natuldukan ng Mavericks ang eight-game losing skid sa harap nang nagbubunying home crowd nang gapiin ang New Orleans Pelicans.

Naisalpak ni Wesley Matthews ang triple mula sa assist ni Harrison Barnes para makuha ng Mavericks ang 75-73 bentahe at buhayin ang kumpiyansa tungo sa ikatlong panalo sa 16 na laro.

Kumana si Matthews ng 6-of-8 mula sa three-point area para sa kabuuang 21 puntos.

Naglaro ang Mavs na wala si star Dirk Nowitzki bunsod ng ‘strained’ sa kanang Achilles tendon.

Kumubra si Barnes ng 23 puntos, habang umiskor si Justin Anderson ng 14 puntos mula sa bench.

Nanguna si Anthony Davis sa naiskor na 36 puntos at 13 rebound para sa Pelicans na bumagsak sa 6-12 karta.

KINGS 122, NETS 105

Sa New York, ginapi ng Sacramento Kings, sa pangunguna ni Demarcus Cousins na kumubra ng 37 puntos at 11 rebound, ang Brooklyn Nets.

Nagsalansan si Rudy Gay ng 22 puntos, walong rebound at walong assist para maibangon ang Kings mula sa kabiguang natamo sa Houston Rockets.

Sadsad ang Nets sa ikapitong sunod na kabiguan at sunod na haharapin ang Los Angeles Clippers.

Kumana si Sean Kilpatrick ng 22 puntos, habang umeksena si Brook Lopez na may 17 puntos para sa Brooklyn.

BUCKS 104, MAGIC 96

Dinugtungan ng Milwaukee Bucks ang pananamlay ng Orlando Magic.

Kumabig si John Henson ng 20 puntos, habang tumipa si Giannis Antetokounmpo ng 18 punto para sa ikapitong panalo sa 15 laro ng Bucks.

Natamo ng Magic ang ikaapat na sunod na kabiguan.

Nanguna si Evan Fournier sa Magic sa naiskor na 27 puntos.

Sa iba pang laro, sinopresa ng Indiana Pacers, sa pangunguna nina Myles Turner at Glenn Robinson III na kumana ng tig-17 puntos, ang Los Angeles Clippers, 91-70.