ZAGREB, Croatia (AP) — Isang panalo na lamang ang kailangan ng Croatia para makopo ang ikalawang Davis Cup title matapos magwagi sa doubles event kontra Argentina nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Ginapi ng tambalan nina Marin Cilic at Ivan Dodig sina Juan Martin del Potro at Leonardo Mayer 7-6 (2), 7-6 (4), 6-3 para sa 2-1 bentahe ng Crotia.
Magagawang tuldukan ni Cilic ang hidwaan sa panalo kontra del Potro sa first reverse singles sa Linggo (Lunes sa Manila). Sakaling magwagi si del Potro, magbibigay nang panalo ang huling duwelo sa pagitan nina Croatia’s Ivo Karlovic at Argentina’s Federico Delbonis.
“We will push to the end,” pahayag ni Dodig. “Nothing will stop us now.”
Inamin ni Cilic na mahirap ang laban kay del Potro, ngunit kumpiyansa siyang makukuha ang Davis Cup title ngayong taon.
“Mentally, it’s easier for me because we have won today,” sambit ni Cilic. “Our matches were always tight and some small details could decide.”
“He is playing really good this year. He will be playing at home and it will be difficult,” aniya.
Nakamit ng Croatia ang tanging Davis Cup title noong 2005.
Sa 116 taong kasaysayan ng Davis Cup, ang Argentina ang koponan na nakausad sa finals sa apat na sunod na taon, ngunit bigong maging kampeon.
Sa opening singles nitong Biyernes, nagwagi si Cilic kay Delbonis, habang ginapi ni del Potro si Karlovic.