BUBURAHIN na ang slogan na “It’s More Fun in the Philippines”. Ito ay papalitan ng bagong tourism campaign ng bansa na nagkakahalaga ng P650 milyon. Ayon sa mga opisyal ng Department of Tourism (DoT), ang mangangasiwa sa pag-craft ng bagong DoT slogan ay ang McCann Worldgroup Philippines, na nanalo sa bidding para maging advertising at promotions partner ng DoT sa loob ng isang taon.

Dunggol sa akin ni kaibigang palabiro pero sarkastiko: “It’s More Fun Killing in the Philippines na lang.” Grabe ka, sabi ko, ‘wag kang ganyan! Tumahimik naman siya at nakinig sa akin.

Ayon kay DoT Usec. Katherine de Castro, anak ni ex-Vice President at broadcaster Noli “Kabayan” de Castro, ang P650 milyon ay hindi lamang para sa tagline o pamagat. Kasama sa halagang ito, sabi ng anak ni Kabayan, ang media placements sa buong mundo, produksiyon ng commercials, radio jingles at design ng website. Aba, kung tagline o pamagat lang ang kailangan, nais kong irekomenda ang sarili ko dahil kayang-kaya kong gumawa ng mga salitang makaaakit sa mga turista.

Inamin ni De Castro na epektibo pa naman ang kasalukuyang “It’s More Fun in the Philippines” slogan, batay sa assessment ng Nielsen. Batay sa pag-aaral, 65% ng respondents mula sa European market ay nagugustuhan ang

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

kasalukuyang slogan, pero 25% lang ang gustong magpunta sa ‘Pinas. Samantala, 75% ng North American respondents ang gusto ang “It’s More Fun in the Philippines” pero 45% lang ang nais magpunta sa bansa. Ayon kay Usec. De Castro, itatampok pa rin nila ang aspeto ng pagiging “fun” ng Pilipinas.

Sa panig naman ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, kapatid ni kaibigang Ramon Tulfo (kolumnista), nang siya’y dumalo sa pagpupulong sa Madrid, Spain para sa UN World Tourism Organization, tinanong siya ng mga dumalo kung bakit papalitan pa ang slogan gayong ito ay isang “good slogan”. Hindi ba may kasabihan ang mga Amerikano na “Why fix when it ain’t broke?”

Bakit nga papalitan pa ang “It’s More Fun in the Philippines” ay kay gandang slogan nito?

-oOo-

Nahuli na rin sa wakas si Ronnie Dayan, ang former driver-bodyguard-lover ni ex-DoJ Sec. Leila de Lima, ngayon ay Senadora na, sa isang malayo at bulubunduking sitio sa Barangay San Felipe, San Juan, La Union. Sa interview sa kanya sa Kamara noong gabi ng Nobyembre 22, inamin ni Dayan na may pitong taon silang nagkarelasyon ni Delilah, este, De Lima. Itinanggi niya na siya ay naging collector ng drug money mula sa mga drug lord sa New Bilibid Prison, taliwas sa mga testimonya ng mga convicted felon at drug lord na dinala ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre sa pagdinig sa Kamara

Ayon kay Dayan, hindi niya kilala ang mga testigo na iniharap ni Aguirre sa House hearings at hindi rin siya nangolekta ng campaign money para kay De Lima. Gayunman, inamin niya na limang beses siyang tumanggap ng pera mula kay Kerwin Espinosa, ang drug lord umano sa Eastern Visayas, at ibinigay kay De Lima na noon ay DoJ secretary.

Alam ba ninyong may American movie na ang pamagat ay “The 7-year Itch”? Ang relasyon nina Dayan at De Lima ay pitong taon daw. Samakatwid, ayon uli sa kaibigan kong palabiro-sarkastiko, ang “kati” nina De Lima at Dayan ay tumagal ng pitong taon. Talagang may kalokohan ang kaibigan ko! (Bert de Guzman)