Umusad na ang imbestigasyon ng Ombudsman sa mga reklamong inihain laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Leila de Lima.

Nitong Biyernes, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na “under investigation” na ang Pangulo sa kasong plunder at graft na kapag napatunayang guilty ay puwedeng humantong sa impeachment.

Sa idinaos na alumni homecoming ng University of the Philippines (UP) College of Law kamakalawa ng gabi, sinabi ni Morales na tuloy ang imbestigasyon kahit may “immunity from suit” si Duterte.

Ang naturang mga kaso ay isinampa ni Senator Antonio Trillanes IV noong hindi pa pangulo ng bansa si Duterte.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inakusahan ni Trillanes si Duterte na nangangalaga ng maraming ghost employees sa Davao City Hall noong alkalde pa ito ng lungsod.

Paliwanag ni Morales, maaari pa ring ituloy ang pagsisiyasat kay Duterte kahit may immunity ito sa kaso.

“At the time the case was filed, he was not yet president. Under the law, even if a person has immunity or even if he’s impeachable, you still continue the investigation for purposes of determining whether there is misconduct,” pagdidiin ni Morales.

Aniya, kapag napatunayang may pananagutan si Duterte sa kaso ay posibleng isa ito sa pagbatayan upang i-impeach ang pangulo alinsunod na rin sa Konstitusyon.

Out sa imbestigasyon

Samantala nag-inhibit na si Morales sa kaso dahil sa relasyon nito sa pamilya Duterte.

Si Morales ay tiyahin ni Atty. Manases Carpio, na asawa naman ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang ama ni Atty. Carpio na si Atty. Lucas Carpio, Jr., na asawa ni Court of Appeals Justice Agnes Reyes Carpio, ay kapatid ni Morales.

Si Leila rin

Samantala umuusad na rin umano ang fact-finding investigation ng Ombudsman laban kay De Lima.

“There have been some leads. We’re giving it due course by conducting fact-finding,” ani Morales sa nasabi ring event.

Ang imbestigasyon laban kay De Lima ay pinangangasiwaan na ng Deputy Ombudsman for Visayas.

Ang kaso ni De Lima ay base na rin sa isinampa ni Albuera, Leyte Police chief Jovie Espenido sa Office of the Ombudsman sa Visayas.

Inakusahan ni Espenido si De Lima na tumanggap umano ng payola mula sa hinihinalang Eastern Visayas drug lord na si Kerwin Espinosa. (ROMMEL P. TABBAD)