Humakot ang University of Santo Tomas ng limang gintong medalya sa UAAP Season 79 judo tournament sa De La Salle Santiago-Zobel Sports Pavilion sa Alabang nitong Sabado.

“Tiwala lang sa team, sila naman ang gumawa ng panalo, trabaho nila ‘yun kaya deserving sa kanila na mapunta ‘yung gold medals kasi pinaghirapan nila,”pahayag ni Tigresses Judokas head coach Gerard Arce.

“Pero kahit malaki ang lamang namin, hindi pwedeng magpakakampante.”

Nagtala ng 1-2 finish sina reigning MVP Khrizzie Pabulayan (-48 kg) at last season Rookie of the Year Miam Salvador (-44 kg) kontra kapwa Thomasians na sina Mae Bayas at Alexis Belen para sa unang dalawang gold at silver medal ng UST.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Galing naman ang ikatlong gold kay Sueko Kinjho (-52 kg) na nagwagi laban kay Charmea Quelino ng La Salle.

Nagdagdag naman ng silver medal si Lorrelei Tolentino (-57 kg) at bronze medal naman kay Tracy Jean Honorio.

Sa men’s play, tinalo ni Luis San Diego (-81 kg) si UP judoka Josh Colet para sa unang gold ng Tigers bago namayani si Diether Tablan (+100 kg) via Yuko (1/8 puntos) kontra Rafael Cadiente ng Ateneo.

Nagwagi naman ng bronze si Renzo Cazeñas (-81 kg) laban kay Gabriel Avendano ng UP. (Marivic Awitan)