Ipatutupad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Oplan Lakbay Pasko 2016 simula Disyembre hanggang Enero bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng Overseas Filipino Workers (OFWs), balikbayan at mga dayuhang turista na magdiriwang ng Pasko sa bansa.
Titiyakin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ligtas, maaasahan, at matiwasay na operasyon sa NAIA terminals mula Disyembre ngayong taon hanggang sa Enero 5, 2017.
Makikipagtulungan din ang MIAA sa Bureau of Customs (BoC), Immigration and Bureau of Quarantine kaugnay sa pagdating ng libu-libong pasahero na may mga dalang pasalubong para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi ni NAIA customs district collector Ed Macabeo na nakahanda na ang kanilang mga tauhan sa pagsalubong sa libu-libong pasahero na magsisimulang dumating sa unang linggo ng Disyembre.
Inaasahan na pinakamaraming bilang ng OFWs at balikbayan ang darating sa ikalawang linggo ng Disyembre kayat hangga’t maaari ay hindi pinagbabakasyon ang mga airline personnel sa mga panahong ito. (ARIEL FERNANDEZ)