Mga Laro Ngayon

(Philippine Sports Stadium, Bulacan)

4:30 n.h. -- Thailand vs Singapore

6:00 n.g. -- Indonesia vs Philippines

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mula sa nakahihinayang na scoresless draw kontra sa kulang sa player na Singapore, target ng Philippine football team Azkals na makausad sa kampanya sa pakikipagtuos sa Indonesia ngayon sa pagbabalik ng aksiyon sa 2016 AFF Suzuki Cup sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.

Unang maghaharap ang defending champion Thailand at Singapore ganap na 4:30 ng hapon bago sundan ng sagupaan sa pagitan ng host na Pilipinas at Indonesia sa tampok na laro sa ganap na 6:00 ng gabi.

Kinakailangan ng Azkals na maipanalo ang laban, gayundin sa Thailand sa huling laro upang makatuntong sa semifinal ng prestihiyosong torneo.

Nangunguna sa kasalukuyan ang Thailand na may tatlong puntos matapos biguin ang Indonesia, 4-2, sa opening match nitong Sabado, habang magkasalo sa ikalawang puwesto ang Azkals at Singapore na nagtapos ang laban sa scoreless draw para sa tig-isang puntos. Nasa ikaapat ang Indonesia.

Hindi nagamit ng Azkals ang bentahe laban sa 10-katao na Sinagpore team para sa importanteng panalo sa torneo na nagtatampok sa pinakamahuhusay na koponan sa rehiyon.

Napatalsik ni Singaporean Hafiz Sujad na binigyan ng diretsong red card matapos na bigyan ng arm tackle si Azkals team captain Phil Younghusband sa ika-34 minuto ng laro. Gayunman, hindi ito nasandigan ng Azkals.

Z“We’re obviously disappointed,” nasabi lamang ni Younghusband. “When they go down to ten men, you hope to capitalize. It feels more like a two-point loss than a one-point draw,” aniya.

Gayunman, sasagupain ng Pinoy booters ang koponan ng Indonesia na binigyan ng matinding hamon ang Thailand bago isinuko ang laban.

Matatandaan na nalasap ng Pilipinas ang pinakamasaklap nitong kabiguan sa torneo na 1–13 kontra Indonesia noong 2002 AFF Championship na nananatiling highest score win sa torneo hanggang sa ngayon. (Angie Oredo)