Bumalikwas mula sa dalawang sets na pagkatalo ang Letran bago winalis ang huling tatlong set upang gapiin ang kapitbahay na Lyceum of the Philippines, 19-25, 12-25.,25-20, 25-22, 15-10 kahapon sa pagsisimula ng men’s division ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala ng 18 puntos si Bobby Gatdula, kabilang ang 17 sa hit bukod pa sa 13 dig upang pangunahan ang Knights sa panalo.

Nag-ambag sina Harold Reyes na may 15 puntos at Christopher Cristina at Paul John Alilio na may tig-14 puntos.

Bumawi ang Knights sa depensa matapos humataw ng 63 spikes kumpara sa 43 ng Pirates at 42 digs kumpara sa 32 ng huli matapos dominahin ng Lyceum sa blocks (11-5) at aces (8-3).

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Nasayang naman ang game high 21 puntos ni Joeward Presnede dahil hindi nito nagawang isalba ang Pirates sa pagkatalo.

Hindi rin nagawang samantalahin ng Pirates ang 40 errors na ginawa ng Knights upang maagaw ang panalo.

(Marivic Awitan)