HINDI talaga matitigil ang walang habas na pagpatay ng mga pulis sa mga pinaghihinalaang drug pusher at user kapag patuloy umano sa pagkunsinti sa kanila si Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Isang halimbawa nito ang pahayag niya tungkol sa pagkamatay ni Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa, umano’y drug lord sa Visayas, at ni Ruel Yap sa kulungan sa Baybay, Leyte. Higit daw siyang naniniwala sa bersiyon ng PNP regional Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na napatay nila ang alkalde dahil nanlaban at nakipagbarilan habang sinisilbihan ng search warrant.
Sa panig ng mga senador, sa pangunguna ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on public order and illegal drugs, na nagdaos ng pagdinig hinggil sa insidente, naniniwala sila na sadyang pinatay (premedidated) sa loob ng selda si Espinosa at ito ay plinano ng taga-CIDG. Dapat manindigan dito sina Lacson, Sens. Richard Gordon, Leila de Lima, Grace Poe, Tito Sotto at iba pa sapagkat batay sa kanilang mga pagtatanong sa mga pinuno at tauhan ng CIDG Region 8, may mga indikasyon na sinadya ang pagpatay sa mayor na kusang sumuko na noon kay Gen. Dela Rosa matapos mabanggit ang pangalan sa listahan ng mga drug protector sa bansa.
Malaki ang takot ni Espinosa kaya siya napasailalim sa custody ng pulisya sa Albuera, Leyte. Ligtas siya roon subalit siya ay inilipat sa sub-provincial jail sa Baybay kahit may pangamba. Hindi na magtataka ang sambayanang Pilipino kung bakit araw-araw, ay walang patumangga sa pagbaril at pagpatay ang mga pulis sa pinaghihinalaang pushers at users dahil sa pahayag ni Du30 na sagot sila nito.
Sawa na ang mga tao at hindi na bilib sa paulit-ulit na pahayag ng Pangulo na: “I assume full legal responsibility, and go to jail if necessary to protect the lawmen in carrying out my orders.” Dagdag pa niya: “Kung dapat may makulong, ako iyon. Kung mabubulok ako sa kulungan, so be it.” Lahat naman ng Pinoy ay suportado si Mano Digong sa kanyang drug war, pero iwasan sana ang walang habas na pagpatay sa katwirang nanlaban ang mga biktima.
Anong uri ng pangulo ito na hayagang kinukunsinti ang mga pulis sa pagpatay ng ordinaryong pushers at users sa katwirang lumaban sa raiding teams. Ulit, tanong ng mga Pinoy: “Eh, sino ang titestigo na hindi sila nanlaban?”
Gayunman, sa kaso ni Espinosa, sinabi ng mga jail guard at inmate kina Sens. Lacson at Gordon na walang baril ang alkalde at hindi ito nanlaban.
Samantala, sa halip na magkaisa ang mga Pilipino at magkaroon ng “national healing” kapag hinayaang maihimlay si ex-Pres. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, tulad ng layunin ng pangulo at desisyon ng Supreme Court, lalo lang nag-ulol ang galit ng martial law at human rights victims. Lalong nagnaknak ang sugat ng kahapon. Higit sanang mabuti na hinayaan na munang maihimlay ang diktador sa Batac, Ilocos Norte na roon ay dinadakila at itinuturing... siyang bayani, at ilipat na lang ang bangkay sa LNMB kapag paborable ang hatol sa kanya ng kasaysayan!
Sa ngayon, sumusulpot na naman ang pagkakahati-hati ng mga mamamayan sapagkat hindi kayang tanggapin ng mga pamilya ng mga biktima ang kalupitan ng rehimeng Marcos upang maisama siya sa Libingan ng Mga Bayani kahit na nga sabihing hindi naman lahat ng nakahimlay doon ay mga bayani! (Bert de Guzman)