MIES, Switzerland (AP) – Sinuspinde ng FIBA (International Basketball Federation) nitong Lunes (Martes sa Manila) ang Brazilian Basketball Federation (BBF) tatlong buwan matapos maging host ng Olympics sa Rio.

Inilabas ang suspensiyon sa pagtatapos ng Executive Committee meeting kung saan dininig ang progreso ng BBF matapos ang binuong Task Force sa pagnanais na maisalba ang asosasyon.

Ayon sa FIBA Execom, hindi natupad ng BBF ang pangakong pagbabago at progreso bago ang Rio Games at matindi ang pangangailangan para makasunod ang federation sa programa ng FIBA.

Nabigo ang Brazil na lumahok sa international competition, kabilang ang continental youth competition at 3x3 Senior world championships, gayundin ang pagorganisa ng 3x3 World Tour event sa Rio de Janeiro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Maraming player ang apektado sa kabiguan na makalahok sa tournament sa abroad bunsod na rin sa kawalan ng oportunidad na makasabak sa qualifying tourney.

Sa national level, makailang ulit na kinansela ng BBF ang youth national championships.

Kinastigo rin ng FIBA ang BBF sa kawalan ng liderato at kabiguan na magpatawag ng halalan. Hindi rin naibigan ng FIBA ang pakikialam ng pribadong asosasyon para sa pagpili ng national team at pagbibigay ng pondo.

“Outstanding payments towards FIBA for an extended period of time, despite several grace periods granted. The overall financial situation of CBB does not permit it to finance its operations or to be in good standing in its country,” pahayag ng FIBA.

Ikinalungkot ng Executive Committee ang kaganapan at pinaalalahanan ang BBF na makipagtulungan sa FIBA at sa binuong Task Force upang makabangon sa kinalalagyang katayuan.

Bunsod ng suspensiyon, hindi papayagan ang Brazil na makalahok sa lahat ng torneo na inorganisa ng FIBA.

Nakatakdang dingin ng Central Board ang ‘re-evaluation program’ ng Brazil sa Enero 28, 2017.