MARAMI ang nagtatanong kung kailan matitigil ang halos araw-araw na patayan sa Pilipinas bunsod ng idineklarang drug war ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na karamihan sa mga biktima ay ordinaryong drug user, nakatsinelas at gusgusing tao.

Katwiran ng mga pulis, nanlaban ang mga ito gayong ang armas ay .38 caliber pistol lang kontra sa matataas na kalibreng armas ng raiding teams. Utos daw kasi ng Pangulo na ‘pag nanlaban, barilin. Eh, sino ang magpapatunay na nanlaban sila?

Bakit hindi na lang hulihin at pasukuin ang mga drug user, ikulong at pag-usigin tulad ng ginagawa ng mga pulis sa mga kilalang drug lord at pusher?

Ang katwiran kasi ng mga pulis ay nanlaban daw. Sawa na ang mga Pinoy sa araw-araw na pagpatay ng mga tauhan ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa. Bingi na ang mga tao sa mga report sa radyo at telebisyon na may napatay dito, doon at sa iba pang lugar kaugnay ng ilegal na droga.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kung sina US President-elect Donald Trump at Philippine President Duterte ay parehong palamura at babaero, magkaiba naman ang reaksiyon ng mga talunang kandidato at nanalong kandidato sa US at Pilipinas. Para sa natalong kandidato sa ‘Pinas, siya ay dinaya. Para sa natalong kandidato sa US, agad siyang nag-concede at nagpahayag ng pagkakaisa.

Binati ni RRD si Trump sa panalo nito. Hindi raw niya aawayin si Donald at balak palakasin ang relasyong US-PH. Sabi nga ng kaibigan kong senior-jogger na mahilig magkape: “Hindi niya basta puwedeng murahin si Trump, tiyak mumurahin din siya nito.”

Pakiwari ng ibang mga tao, parang ipinagmamalaki pa ni Du30 ang pagmumura bilang isang “virtue”.

Mabilis ang pagko-concede ni Hillary Clinton kay Donald Trump nang malaman niyang natamo na ni Donald ang sapat na bilang ng electoral college votes bagamat lamang siya sa popular votes.

Pinuri naman ni Trump si Hillary at inihayag na malaki ang utang na loob ng Amerika dito dahil sa maraming taong pagsisilbi sa bansa. Iba ang mga Kano, sports ‘ika nga, ‘di gaya sa ‘Pinas, pikon ang talunan.

Samantala, naniniwala ang mga senador, sa pangunguna ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na “premeditated” o plinano ang pagpatay kay Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa loob ng selda nito sa Baybay, Leyte. Salungat ito sa paniniwala ni Mano Digong na higit daw niyang pinaniniwalaan ang bersiyon ng mga pulis hinggil sa pagpatay kina Espinosa at Raul Yap.

Utos daw niya sa mga pulis na kapag nanlaban ang suspek, barilin at patayin kaysa sila ang mapatay. Ulit, eh, sino nga ang mga testigo na nanlaban ang mga biktima? Sabi ng ating mga kababayan,... kapag ganito ang katwiran ng Pangulo, tiyak walang habas ang pagbaril at pagpatay ng mga pulis sa mga pusher, user na nasa watch list, at sasabihing binaril nila kasi nanlaban.

Dahil dito, kailangang maging matatag at matapang ang mga senador sa kanilang tungkulin sa pag-iimbestiga sapagkat kung hindi, mahirap matigil ang ginagawang pagpatay ng mga pulis dahil may “basbas” ng Pangulo base sa katwirang “kapag nanlaban”, barilin at patayin. (Bert de Guzman)