LAOAG CITY, Ilocos Norte – Bukas si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa ideya ng pagbibigay ng paumanhin sa mga hindi magandang nangyari noong panahon ng batas militar, sa ilalim ng pamumuno ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“If you hurt some body, you normally seek an apology from them,” sabi ng gobernadora.

Gayunman, nilinaw niyang hindi niya tatanggapin ang mga pagkakamaling nangyari noong batas militar dahil hindi niya alam ang mga iyon sapagkat napakabata pa niya noon.

“‘Yung admission of guilt, unang-una ang liit-liit ko noon. Paano ko ia-admit, hindi ko naman alam,” aniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aminado ang gobernadora na magkaiba sila ng kanyang kapatid na si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ng pananaw sa paghingi ng paumanhin sa mga biktima ng batas militar.

Bagamat maraming inilunsad na kilos-protesta laban sa paghihimlay sa kanyang ama sa Libingan Ng Mga Bayani (LNMB) sa Taguig City, sinabi ni Gov. Imee na marami rin siyang natanggap na liham na naglalahad sa mga kabutihang ginawa ng yumaong presidente.

“We’re not rewriting history. We’re not changing the truth. The cases continue to be pending... We continue to fight them in court. We are still defending ourselves and defending his memory,” sabi pa ng gobernadora.

Tinanggap nitong Biyernes ng pamilya Marcos ang kopya ng desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara sa legalidad ng paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa LNMB. (Freddie G. Lazaro)