Sa unang pagkakataon, excited na ang mga pulis sa Northern Metro area sa matatanggap nilang Christmas bonus na ibibigay ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa darating na Nobyembre 18.
Sa panayam ng Balita sa mga pulis mula sa Caloocan-Malabon-Navotas at Valenzuela Police Station, kakaibang saya ang kanilang nararamdaman sa ngayon sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod daw kasi sa 13th at 14th month pay na kanilang matatanggap ngayong Kapaskuhan, makakatanggap din sila ng P5,000 cash incentive bonus mula sa PNP.
“Masaya kami kasi alam naman natin ‘pag Pasko kailangan natin ang pera kasi maraming mga inaanak at kamag-anak.
Malaking tulong ito,” ayon sa isang pulis na nag-request na huwag nang banggitin ang kanyang pangalan.
Nitong nagdaang mga Pasko, tag-tuyot umano ang mga pulis dahil ang budget na para sana sa kanila ay na-i-donate ng PNP sa mga biktima ng kalamidad gaya ng mga nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’.
“Wala nga kaming Christmas party nitong nakalipas na mga Pasko kasi ‘yung budget namin ay ibinigay sa mga typhoon victims, pero ayos lang ‘yun kasi mas kailangan nila,” ayon naman sa isa pang pulis.
Nagalak ang mga pulis sa maagang pagbibigay ng bonus dahil maaga rin umano silang makakapamili ng mga kailangan ng kanilang mga anak. (Orly L. Barcala)