SINGAPORE – Naitala ng Pinoy mixed martial arts star na si Eduard Folayang ang pinakamalaking upset sa kasaysayan ng ONE Fighting Championship nang gapiin niya ang Japanese legend na si Shinya Aoki para angkinin ang world lightweight championship kahapon, sa Singapore Indoor Stadium.
Maagang nadomina ni Folayang, premyadong fighter ng Team Lakay ng Baguio City, ang laban hanggang sa mapuruhan ang Japanese grappler sa ikatlong round sapat para itigil ng referee ang laban may 41 segundo ang nalalabi sa main card ng ONE: Defending Honor promotion.
Bunsod ng panalo, nahila ng tinaguriang ‘The Landslide’ ang ONE record sa 17-5, habang bumagsak ang karta ni Aoki sa 39-7-1.
“I’m happy and proud. This is for my country and fellow Filipinos. Hopefully it will inspired other Filipino MMA fighters,” pahayag ni Folayang.
Isa si Folayang sa mukha ng MMA sa Pilipinas. Naging pambato siya ng Philippine Team sa wushu discipline bago sumabak sa sumisikat na sports sa buong mundo.
Sa co-main event, napanatili ni Marat Gafurov ng Russia ang ONE Championship featherweight crown sa impresibong rear naked choke kontra kay Narantungalag Jadambaa ng Mongolia.
Ito ang ikalawang pagdepensa sa korona ni Gafurov para manatiling walang talo sa 15 laban.
“I never planned to go for a rear naked choke. But somehow, it happened,” pahayag ni Gafurov.
Natamo ni Jadambaa ang ikalawang career loss kay Gafurov.
Nabigo naman ang Pinoy na si Vaugh “The Spawn” Donayre sa kanyang kampanya na maagaw ang lightweight title kontra kay Amir Khan ng Singapore, habang nagwagi si eight-time Brazilian jiu-jitsu champion Michelle Nicolin ng Elove MMA kontra sa Egyptian na si Mona Samir.