SA boto na 9-5-1 ng Supreme Court (SC), mistulang ibinasura ang mga petisyon na tumututol sa paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). Maliwanag na pagkatapos ng masusi at matalinong pagtimbang sa naturang mga isyu, inalis ng Kataas-taasang Hukuman ang mga balakid upang ganap nang tumahimik ang kaluluwa ng dating Pangulo na mahigit nang tatlong dekadang nakaburol sa Batac, Ilocos Norte.

Niliwanag din ng SC na walang “abuse of discretion” sa panig ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pahintulutan niya ang paglilibing kay Marcos sa LNMB; nang binigyang-diin niya na naaayon sa batas ang kanyang paninindigan sapagkat si Marcos ay naging Pangulo ng bansa at isa ring sundalo.

Gayunman, bilang bahagi ng tunay na diwa ng demokrasya, ang gayong pananaw ng Pangulo – at maging ang pasya ng SC – ay hindi matanggap ng oposisyon, lalo na ng sinasabing mga biktima ng martial law regime. Marami sa kanila ang nagbabalak maghain ng motion for reconsideration sa pagbabaka-sakali na mabaligtad ang pasiya ng SC.

At may ilang mambabatas din ang umano’y maghahain ng resolusyon upang bawiin ni Pangulong Duterte ang kanyang pahintulot na maihimlay si Marcos sa LNMB. Nais kaya nilang palabasin na salawahan ang Pangulo at pabagu-bago kung magpasiya?

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Sa kabila ng desisyon ng SC, hindi maiaalis na umalma ang mga salungat sa Marcos burial sa LNMB. Ipinahiwatig nila ang kanilang umano’y pagluluksa sa nasabing pasya; hindi gayon kadaling mapawi ang mga pasakit at kalbaryo na dinanas nila noong panahon ng kagipitan.

At sino ba ang hindi nagdusa? Mismong sa hanay ng mga miyembro ng media, nananariwa pa ang sugat ng panggagalaiti dahil sa pagkitil ng aming karapatan sa pamamahayag at sa pag-agaw ng aming ikinabubuhay bunsod ng walang habas na pagpapasara ng mga media outfit.

Totoo na mga pagmamalabis, tulad ng mga paglabag sa karapatang pantao, ay marapat ihingi ng paumanhin ng mga administrador ng martial law. Paano kung pumanaw na ang utak ng naturang rehimen? Makatuwiran kayang papanagutin ang mga miyembro ng kanyang angkan na tila wala namang kamalay-malay sa takbo noon ng mga pangyayari? Maitutulad kaya ito sa sumunod na mga administrasyon na ang mga pagkakamali, pagmamalabis at kalupitan ay hindi pinagsisihan kahit nabubuhay pa ang utak ng mga ito?

Nagpasiya na ang SC. Sapat na marahil ang paghingi ng pag-unawa ng mga naulila ni Marcos: Magkaisa tayo at paghilumin ang sugat ng nakalipas tungo sa matatag na kinabukasan. (Celo Lagmay)