Nasa 18 mangingisda ang nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) sa magkahiwalay na insidente ng pagkasira ng bangkang pangisda sa Visayas nitong weekend, iniulat ng ahensiya kahapon.
Sabado nang iligtas ng Coast Guard Substation (CGSS) Padre Burgos at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang 14 na mangingisda matapos na lumubog ang dalawang bangka ng mga ito sa Southern Leyte.
Ayon sa PCG, sakay ang 14 sa dalawang bangka patungong Bontoc, Southern Leyte nang lumakas ang hangin at lumaki ang alon hanggang sa pasukin ng tubig ang mga bangka.
Naabutan ng mga rescuer ang mga mangingisda habang nangungunyapit sa kanilang mga bangka sa karagatan sa Barangay Cabulihan, Limasawa Island.
Samantala, apat na stranded na mangingisda naman ang na-rescue ng CGSS Libertad mula sa nasira nilang bangka sa Antique nitong Linggo.
Kinilala ng PCG ang mga nailigtas na mangingisda na sina Nolmer Juanico, Noel Juanico, Jerald Juanico at Eddie Sarancanlao.
Napaulat na nagkaproblema ang makina ng bangka kaya na-stranded ang apat na mangingisda. (Argyll Cyrus B. Geducos)