PARANG nadaig pa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos na nagproklama ng martial law at naging diktador sa loob ng maraming taon kung ang pag-uusapan ay tungkol sa dami ng mga napatay kaugnay sa illegal drugs, krimen, at mga kalaban ng gobyerno.

Batay sa mga ulat, mahigit na sa 4,000 ang naitumba ng mga tauhan nina Duterte at PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa loob lang halos ng limang buwan. Noong panahon ni Marcos, isang kilala at kilabot na drug lord ang ipinaharap sa firing squad upang magsilbing leksiyon sa mga kriminal at sangkot sa ilegal na droga. Siya ay si Lim Seng.

Gayunman, marami rin at libu-libo ang umano’y pinatay ng rehimeng Marcos—mga political enemy, kritiko, aktibista, magsasaka, labor leader/worker at ordinaryong tao. Marami ring kabataan ang parang bulang nangawala (disappeared) at hindi na natagpuan pa. Pero, ang mga namatay at nawala noong Marcos regime ay naganap sa loob ng halos 20 taon kumpara sa dami ng naitumba ng mga pulis, vigilante at drug syndicate, sa loob lang ng limang buwan.

Sa pagkamatay ni Albuera (Leyte) Mayor Rolando Espinosa, marami na ngayon ang naniniwala na talagang nangyayari ang EJK (extrajudicial killings). Akalain bang nasa custody na ng mga pulis at nakakulong eh, biglang papatayin? Maging sina Sens. Ping Lacson at Dick Gordon, na medyo atubili sa pagsang-ayon sa EJK, ay nagsabing may duda sa pagkakapatay kay Espinosa na sumuko na noon kay Gen. Bato dahil nangangamba sa kanyang buhay. Si Kerwin Espinosa na anak ng napatay ay tiyak na nanganganib din ang buhay kapag naiuwi sa bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mismong sa loob ng kanyang kulungan sa Baybay, Leyte hinainan ng search warrant ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Espinosa dakong 4:00 ng madaling araw. Una raw nagpaputok si Espinosa gamit ang revolver sa CIDG. Kung unang nagpaputok, eh, bakit wala man lang kahit galos o sugatan sa kanila?

Muling nanalo si boxing icon Manny Pacquiao laban kay WBO welterweight champion Jessie Vargas sa bakbakan nitong Nov. 6 sa Las Vegas, Nevada. Siya ngayon ang bagong WBO welterweight champion na isa ring nakaupong senador. Ang wish ko lang kay Senator-boxer Pacquiao ay pagbutihin niya ang trabaho sa Senado at sana’y huwag nang ambisyunin pa ang maging pangulo sa susunod na mga taon! (Bert de Guzman)