Pacquiao, impresibo sa harap ni Mayweather; WBO welterweight title naagaw kay Vargas.
LAS VEGAS (AP) — Sa harap ng mga tagahanga at pinakamahigpit na karibal na si Floyd Mayweather, Jr., ipinamalas ni Manny Pacquiao ang husay at katatagan para sa isang impresibong laban.
Pinabagsak ng tinaguriang People’s champion si Mexican Jessie Vargas sa ikalawang round tungo sa dominanteng desisyon nitong Sabado (Linggo sa Manila) at sa ikatlong pagkakataon muling nasungkit ang WBO weltwerweight title sa Thomas and Mack Center dito.
Panalo si Pacquiao sa iskor na tatlong hurado -- 118-109, 118-109, 114-113 – at sa edad na 38-anyos ay muling nakalikha ng kasaysayan ang eight-division world champion bilang kauna-unahang aktibong Senador na nagwagi ng world title.
Sa iskor ng AP, nakuha ni Pacquiao ang 119-109 panalo.
“Not bad,” pahayag ni Mayweather sa panayam ng international media.
Tila hindi kinalawang si Pacquiao at sa ilang pagkakataon, lutang ang kanyang bilis at husay laban sa mas batang karibal. Hindi man niya ito napabagsak, ang panalo ay isang malinas na mensahe para muling pag-usapan ang rematch sa pagitan ni Mayweather, Jr.
Wala namang direktang pahayag ang undefeated world champion sa kanyang pagbabalik aksiyon matapos magretiro sa nakalipas na taon.
“I invited him to be here tonight,” pahayag ni Pacquiao.
Ngunit, hindi rin tuwiran ang kanyang sagot sa katanungan ng posibleng rematch.
“We’ll see,” aniya.
Kaagad na pinaulanan ng suntok ni Pacquiao si Vargas, isang senyales sa hagarin niyang mapatumba ito nang maaga. Sa second round, tumama ang straight punch ni Pacman sa mukha ni Vargas dahilan para paatras itong matumba. Nakabangon at nakabawi naman ang Mexican.
“I feel I could do more but every round I tried to knock him out,” pahayag ni Pacquiao.
Sa ikawalong round, pansamantalang nakabawi si Vargas nang tamaan niya ng malakas na right hook si Pacquiao.
Nagpalitan nang bigwas ang dalawa, subalit kapwa bigong nakasingkit ng TKO punch.
“Fighting Manny Pacquiao is like playing a very fast game of chess,” pagamin ni Vargas.
“You have to be alert at all times, there are a lot of punches coming in. He was very fast and he was very sharp,” aniya.
Sa fight stats, naipatama ni Pacquiao ang 147 sa kabuuang 409 na binitiwang suntok, habang nakapatama si Vargas ng 104 sa 562 suntok. Ibinigay din kay Pacquiao ang 101-70 bentahe sa power punch.
Bukod sa titulo, naiuwi ni Pacquiao ang US$4 milyon premyo, bukod pa sa pay-per-view, habang kumita si Vargas ng US$2.8 milyon.