Nakauna ang Philippine Air Force sa kanilang best-of-three semifinal series matapos igupo ang Instituto Esthettico Manila, 25-22, 23-25, 25-23, 25-17 kahapon sa pagsisimula ng Spiker’s Turf Season 2 Reinforced Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagtala ng 21 puntos ang dating NCAA MVP na si Howard Mojica na kinabibilangan ng 20 hits upang pamunuan ang nasabing panalo ng Jet Spikers.
Tatlo pang kasanga ni Mojica ang tumapos na may double digit upang ilapit ang koponan sa inaasam na pag-usad sa finals na kinabibilangan nina Bryan Bagunas na may 16 puntos, Rodolfo Labrador na may 12 puntos at Rayson Fuentes na may 10 puntos.
Nagtapos namang topscorer para sa IEM si Khenno Franco na may 19 puntos kasunod si John Paul Torres na nagtala ng 10 puntos.
Naging epektibo ang net defense ng Jet Spikers upang mapigil ang Volley Masters partikular sa fourth frame.
Nagtala ang PAF ng 62 hit kumpara sa 55 lamang ng IEM, bukod pa sa tig-6 na blocks at isang ace.
Nakaangat lamang ang IEM sa ipinakitang mas maayos na floor defense kung saan nagtala sila ng 32 dig kumpara sa 29 lamang ng PAF sa pamumuno ni dati ring NCAA MVP Erickson Ramos na may 12 digs.- Marivic Awitan