Mga laro ngayon

Smart Araneta Coliseum

12 pm UE vs.NU

4 pm Ateneo vs.La Salle

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Patumbahin ang isa sa dalawa pang hadlang upang makamit ang target na outright finals berth ang tatangkain ng namumuno at undefeated pa ring De La Salle sa muli nilang pagtutuos karibal na Ateneo de Manila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 men's basketball tournament.

Ngunit higit sa hangad na makalapit sa inaasam na finals berth, ang "pride" na mawalis ang Blue Eagles ngayong season ang isa sa mga pangunahing mithi ng Green Archers sa kanilang ikalawang pagtatagpo ngayong taon sa ganap na 4:00 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Bitbit ang malinis na markang 12-0 panalo-talo, tanging ang Blue Eagles na lamang at ang defending champion Far Eastern University Tamaraws ang nalalabing balakid sa landas ng Green Archers sa double round elimination sweep na pormal na magbibigay sa kanila ng awtomatikong tiket sa finals.

Habol ng Ateneo na taglay ang barahang 6-4 panalo-talo na mawalis ang huling apat na laro para sa tsansang humabol sa ikalawang posisyon.

Gayunman, wala na sa kanilang kontrol ang kapalaran dahil kailangan nilang umasang hindi lumagpas sa sampung panalo ang Tamaraws upang makapuwersa ng playoff para sa second spot na gaya ng namumunong La Salle ay may bonus ding twice-to-beat sa susunod na round.

Kung mawawalis ng La Salle ang eliminations, direkta silang papasok ng championship habang ang tatlong kasunod na koponan ay daraan sa stepladder semis.

Tatangkain ng Blue Eagles na ipaghiganti ang 97-81 kabiguan sa Green Archers noong first round upang maitakda rin ang Final Four round.

Sa unang laro, hangad naman makahabol sa huling slot sa Final Four ang target ng National University na makaahon sa kinasadlakang anim na sunod na pagkatalo simula sa huling laro nila noong first round upang panatilihing buhay ang kanilang pag-asa.

Kailangan ng Bulldogs na maipanalo ang laban ngayong 12:00 ng tanghali kontra ousted ng University of the East at sa pumapang-apat na Adamson (5-5) sa Nobyembre 13 at umasang hindi makapagtala ng lagpas sa anim na panalo ang huli.

Kasalukuyang nasa ikalimang posisyon ang Bulldogs taglay ang barahang 4-8, panalo-talo kapantay ng University of the Philippines.

"I think mathematically we have a chance ,pero we're already relying on other teams," pahayag ni NU coach Eric Altamirano.

"Mahirap kasi hindi na kami ang may kontrol.But we'll just have to take care of our last two games,give it our best shot to win those." (Marivic Awitan)