HINILING natin kay Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang mga pagpatay. Kung hindi ito maganda sa kanyang pandinig at ayaw tayong pagbigyan, sino nga naman tayo para kanyang pansinin, ang hiling ko sana ay itigil ang mga ito kahit pansamantala lamang.

Sabi nga ninyo, G. Pangulo, na ang ilegal na droga ay epedemia na sumisira sa ating bayan, bakit hindi natin ito lunasan na para na ring sakit tulad ng dengue, diarrhea, at malaria? Sa mga ganitong uri ng sakit, hindi naman natin pinapatay ang mga lamok na siyang nagkakalat ng mga ito. Ang sinisira natin ay ang kanilang pinamumugaran at puwedeng pamugaran.

Hindi totoo iyong sinasabi ninyo, G. Pangulo, na nasa ibang bansa ang mga druglord. Na ikinakarga ang mga droga sa barko o eroplano at ibabagsak sa ating baybaying dagat. Mayroong gadget ang kanilang mga kasabwat sa ating bansa at sa pamamagitan nito ay nalalaman nila kung saan kakaungin ang mga droga. Ang totoo, nasa loob ng ating bansa ang mga druglord at ang kanilang mga galamay na gumagawa ng ilegal na droga.

Kamakailan, may nadiskubreng shabu laboratory sa Cauayan City, Isabela. Kung bakit ngayon lang nalaman ito gayong nasa gilid ng highway na daraanan ng mga tao at sasakyan malapit sa paliparan ay hindi ba dapat maging dahilan ito ng masusi at malalimang imbestigasyon? Ganito rin ang dapat gawin sa nauna nang nakitang higanteng shabu laboratory na ikinubli bilang isang piggery sa Arayat, Pampanga. At bakit hanggang ngayon ay mayroon pang milyun-milyong halaga ng shabu at cocaine na nasasabat ang mga awtoridad? Eh, marami nang pinatay o napatay ang mga pulis na gumagamit at tulak ng ilegal na droga dahil nanlaban umano ang mga ito nang sila’y sinisita o inaaresto.

Ka-Faith Talks

#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?

Marami nang pinatay ang mga taong walang pagkakakilanlan dahil nakamaskara o nakatakip ang mukha. Marami nang bangkay ang nagkalat sa mga kalye na isinako at ibinalot sa packaging tape ang mukha na may kaugnayan umano sa ilegal na droga base sa mga karatulang iniiwan sa tabi ng mga bangkay.

Pansamantala muna nating itigil ang pagpatay dahil ang mga nabibiktima ay mga lamok na nasa mga barung-barong at gilid ng estero. Totoo man o hindi, sila iyong mga gumagamit at tulak ng ilegal na droga. Hindi sila ang may-ari ng mga laboratoryo na gumagawa ng shabu o cocaine. Ubusin mo man sila kung patuloy ang paggawa ng shabu ay may papalit sa kanila na kagaya rin nilang dukha na walang pagkukunan ng kanilang ikabubuhay.

Mayaman tayong bansa at umuunlad ang ating ekonomiya, pero iilan lang ang nakikinabang. Ang pagsira sa pinamumugaran ng lamok sa epidemyang ito ay ang pagpuksa sa mga laboratoryo at pagkalat sa kayamanan ng bansa at bunga ng iniuunlad ng ekonomiya para maabot ang kaliliitan nating mamamayan bilang alternatibo sa pagkakakitaan sa droga. (Ric Valmonte)