Walang balak si Pangulong Duterte na magpatupad ng total ban sa paputok sa bansa dahil marami ang inaasahang mawawalan ng trabaho.
Hiniling na lang ng Presidente sa Gabinete na rebisahin ang isang draft executive order na nagre-regulate sa paggamit ng paputok upang maikonsidera ang magiging implikasyon ng firecracker ban sa ekonomiya.
“A revised EO on the firecracker ban will be submitted,” sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar. “The concerned agencies will look into the proposal to regulate pyrotechnics to mitigate the possible loss of jobs and at the same time enable traditional celebration of festivities.”
Una nang bumuo ang Department of Health (DoH) ng isang executive order na nagsasaad na tanging mga propesyunal ang maaaring gumamit ng mga paputok at pyrotechnics upang maiwasan ang mga pagkasugat at pagbubuwis ng buhay tuwing bisperas ng Bagong Taon. Iminungkahi ng DoH na gamitin lamang ang mga paputok sa mga public display at sa mga itinalagang lugar.
Noong alkalde pa ng Davao City, nagpatupad si Duterte ng firecracker ban upang maiwasan ang mga pagkasugat, at sa halip ay hinimok ang mga tagalungsod na mag-ingay na lamang sa pamamagitan ng torotot at iba pang magdudulot ng ingay tuwing bisperas ng Bagong Taon. (Genalyn D. Kabiling)