Sasagupain muli ng Philippine Azkals ang tinalo nitong Kyrgyzstan sa ikalawa nitong friendly match ngayong taon sa Rizal Memorial Football Stadium sa Nobyembre 9.

Ang goodwill match ay parte ng paghahanda ng Azkals’ para sa pagsabak nito sa group stage ng 2016 ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup na ihohost ng Pilipinas sa Nobyembre 19.

Isasagawa ang laro ganap na alas-8 ng gabi.

Matatandaan na sa nakalipas na salpukan ng dalawang koponan sa Dolen Omurzakov Stadium sa Bishkek noong Setyembre 6 ay nagwagi ang Azkals sa iskor na 2-1.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang Filipino-German midfielder na si Kevin Ingresso ang unang umiskor ng goal na nagbigay sa Pilipinas ng 1-0 bentahe sa halftime.

Sinundan ito ni Misagh Bahadoran sa kanyang strike sa ika-52 minuto upang siguruhin ang panalo ng koponan.

Gayunman, galing ang Azkals sa dalawang sunod na kabiguan sa kanilang itinakdang friendly match.

Nabigo ang Azkals, 1-3, kontra Bahrain noong Oktubre 7 bago nasundan ng katulad na iskor na kabiguan kontra North Korea noong Oktubre 10 sa Rizal Memorial Football Stadium.

Samantala’y nagsimula na rin ng paghahanda ng koponan sa Emperador Stadium.

Nakatakdang ihost ng Azkals ang tatlong AFF games sa 25,000-seater Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan simula Nobyembre 19 hanggang 25.

Una nitong makakasagupa ang Singapore sa unang araw ng torneo na susundan ng laban nito kontra Indonesia sa Nobyembre 22 bago tapusin ang preliminary round sa laban nito kontra defending champion Thailand. (Angie Oredo)