BUTUAN CITY – Kaagad na nasawi ang tatlong katao habang dalawang iba pa ang napaulat na kritikal sa isang self accident sa national highway ng Purok 14 Mangcarogo sa Barangay Poblacion, Bislig City, nitong Miyerkules, iniulat ng pulisya kahapon.

Patay kaagad sina Chris Paulo Oliva, taga-Forest Drive Village; Gino Songodanan; at isang Dodong Lamela, pawang nasa hustong gulang at residente ng Bislig City.

Grabe namang nasugatan at ginagamot sa Andres Soriano Hospital sa Bislig City sina Manuel Songodanan at Joel Songodanan, kapwa nasa hustong gulang at taga-Purok 3 ng siyudad.

Ang mga biktima ay mga in-law at kaibigan ni Oliva, na may-ari at nagmamaneho ng Chevrolet Colorado Duramax (ADP-1415), ayon sa Bislig City Police Office (BCPO).

Probinsya

Minimum wage earners, kasambahay sa Caraga, may umento sa sahod!

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa Forest Drive Village at patungo sa Bgy. Mangagoy ang sasakyan ni Oliba nang mangyari ang insidente dakong 1:30 ng umaga nitong Miyerkules.

Batay sa report ng BCPO, nagdire-diretso ang sasakyan nang sumapit sa pakurbang bahagi ng Purok 14 Mangcarogo hanggang sa sumalpok sa isang poste ng kuryente at 30 metrong nagtuluy-tuloy sa pagtakbo hanggang mabangga naman sa isang sementadong box culvert at tuluyang bumalandra sa kanal.