Nakuha at posibleng mabigyan ng magandang kontrata sa PBA ang 11 player mula sa Millennium Basketball League (MBL).
Sa pangunguna nina University of Santo Tomas stars Kevin Ferrer at Ed Daquioag, matagumpay na napili ang mga dating MBL stars sa ginanap na PBA Rookie Draft kamakailan sa Robinson's Place Manila.
Napili si Ferrer ng newly-crowned PBA Governor's Cup champion Barangay Ginebra, habang nakuha si Daquioag ng runner-up Meralco.
Kapwa bahagi ng 12-man Gilas Pilipinas team ang dalawa na nakuha sa special rookie draft. Magkatuwag sila nang pamunuan ang Pido Jarencio-mentored UST Tigers sa kampeonato noong 2013 MBL Open.
Ang 6-1 guard na si Daquioag mula Dingras, Ilocos Norte ay nahirang pang MBL Most Valuable Player matapos umiskor ng career single-game high na 43 puntos sa double overtime na laro ng UST laban sa Wang's Ballclub noong Abril 13, 2013.
Ang iba pang mga dating MBL players na napili sa regular draft ay sina Jam Jamito (Ginebra), Joseph Eriobu (Mahindra), Chris Javier (Star), RaShawn McCarthy (San Miguel Beer), Jericho de Guzman (Ginebra) and Jeffrey Javillonar (Phoenix) sa first round; Ryan Arambulo (Globalport), Jessie Saitanan (Meralco) at Cedrick Ablaza (Mahindra).
Ang MBL, pinangangasiwaan ni sports patron Alex Wang, ay itinatag noong 2000 para tulungan ang mga collegiate player na makapaglaro sa mas mataas na antas bago ang pro league.