Balewala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang biglaang pagpapahinto ng US State Department na bentahan ng mga assault rifle ang Philippine National Police (PNP).

“Susmaryosep. ‘Yan lang pantakot nila sa ‘kin?” Ito ang reaksyon ni Duterte sa ulat na hindi na itinutuloy ng US Department of State ang pagbenta ng 26,000 baril sa PNP matapos magbanta si US Senator Ben Cardin na kokontrahin niya ito dahil sa mga napapabalitang kaso ng extrajudicial killings sa Pilipinas.

Si Cardin ang isa sa top Democrat sa US Senate at miyembro ng US Foreign Relations Committee.

Dito inalala ng Pangulo ang pahayag ng isang Russian diplomat na nangako ng kahandaang tulungan ang Pilipinas sa kahit anong pangangailangan nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Remember what the Russian diplomat said? Come to Russia, we all have here anything you need.” Pahayag ni Duterte.

Plano sanang bumili ng 26, 000 bagong Sig Sauer M4 assault rifles ng PNP sa ilalim ng kanilang Credibility Enhancement Program.

Samantala dapat umanong magsilbing wake-up call sa pamahalaan, lalo na sa arms manufacturer, ang pagtanggi ng US na magbenta ng armas.

Ayon kay Senate Minority Leader Ralph Recto, ito ang tamang pagkakataon para suriin ang lokal na kakayahan sa paggawa ng mga armas at ibang kagamitang pandigma, sa halip na umaasa sa ibang bansa.

“Hindi naman pwede na mula helmet hanggang boots imported. If some of the things can be made locally and the products are of the same price and quality as the ones bought abroad, then let us manufacture them here,” ani Recto.

(Beth Camia at Leonel Abasola)