ISULAN, Sultan Kudarat – Isang operatiba ng Pikit Police sa North Cotabato ang pinagbabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato Police Provincial Office, kinilala ang biktimang si PO2 Abeking D. Dandan, aktibong miyembro ng Pikit Police, na nagtamo ng maseselang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Ayon pa kay Tayong, patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente, habang nangangamba naman ang ilang residente na magbunsod ito ng kaguluhan dahil nagmula sa kilalang pamilya sa Pikit ang biktima.
Matindi naman ang paniniwala ng mga kasamahan ni Dandan na may kinalaman sa trabaho ng huli ang pamamaslang dito. (Leo P. Diaz)